ISA sa inaasahang legacy ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan ang patinuin ang mga pasaway na pulis.
Bilang pagtupad sa kanyang Tres Puntos na Pulis Ko’y Responsable, Disiplinado at Respetado, tiniyak ni Cascolan na tutulungan nitong mabago o maging positibo ang pananaw at ugali ng mga pulis na may ‘bad attitudes’ o negatron na kadalasan ay nasasangkot sa iregularidad.
Sinabi ng PNP Chief, dapat tukuyin ang kategoryang kamalian na nagagawa ng pulis at kung may iregularidad dahil sa kakulangan ng kaalaman at may hindi magandang pag-uugali ay dapat ay tulungan at bigyan ng tiyansa na magbago para maging “better policeman” at good public servant.
“Iba naman ang mga nasasangkot sa krimen gaya ng pakikisabwatan sa kriminal at kapag napatunayang sangkot o kaya naman accessory to the crime, dapat hulihin at kasuhan,” ayon kay Cascolan.
Dagdag pa ng ika-24 PNP Chief na kaniyang pinaigting ang operasyon ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) para sa internal cleansing sa organisasyon.
Tiwala si Cascolan na sa mga hakbang na kanyang ipinatutupad ay makakamit ng lahat ng personnel ng PNP ang imahe na responsable, disiplinado at respetado. EUNICE C.
Comments are closed.