HINIMOK ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na lalong tutukan at hindi iwanan ang mga negosasyon sa ‘climate change’ para sa kaligtasan ng mga Filipino at iba pang “matinding praktikal na konsiderasyon,” kasama na ang pagkakaroon ng poder sa pondo, teknolohiya at proseso sa pagtatatag ng kakayahan.
Sinabi ni Salceda, ‘chairman ng House Committee on Climate Change ang pakiusap sa Pangulong Duterte matapos ideklara ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin na hindi na padadaluhin ng pamahalaan ang mga opisyal nito sa mga komprensiya kaugnay ng climate kung sasakay pa sila ng eroplano, at sasagot na lamang ng Yes sa pamamagitan ng internet sa mahahalagang panukala tinalakay nito.
Nauna nang lumiham si Salceda kay Pangulong Duterte na pag-aralang mabuti ang napipintong panuntunan ng pamahalaan na huwag nang sumali sa mga usaping climate change dahil wala naman diumanong silbi ang mga ito. Iginiit ng mambabatas ang paniwala niyang napakahalaga ng naturang usapin at dapat tutukan ito, lalo na ngayong “nasa kritikal na yugto na ang usapin kaugnay sa implementasyon ng Paris Agreement dahil napakahalaga nito sa bansa kahit mabagal ang progreso ng inaasahang mga pagbabago.
Sa kasalukuyan, nakatuon na ang talakayan sa pinakamataas na alokasyon ng mga bansa sa ibinubuga nilang polusyon at itinutulak ng mayayamang bansa na kasing laki rin ng dapat balikatin ng mahihirap na bansa. Ayon kay Salceda lubhang maselan ito sa ‘exports,’ turismo pati na mga OFW na tiyak na maaapi.
Sa Sec. 9 (k) ng RA 9729, iniaatas na ang Climate Change Commission, sa pakikipag-ugnayan sa DFA, ay dapat katawanin ang Filipinas sa mga negosasyon kaugnay ng climate change. “Kung hindi na tayo sasali sa ‘Conference of the Parties (COP), mawawalan na tayo ng boses at karapatan sa pondo, teknolohiya at ‘capacity building concessions,” dagdag ng mambabatas.
“Darating ang panahon na kawawa ang ating OFWs, dahil tiyak puwede silang magtalaga ng ‘policy’ na aapi sa mga Pinoy. Kagalingan ng ‘future generations ng Pinoy ang nakasalalay rito. Dapat din nating maunawaan na desperado na ang mayayamang bansa na panatilihing mahirap na parokyano nila tayong mahihirap na bansa, kaya sisikapin nilang mabago ang mga napagkasunduan na sa Agenda 21 sa lahat ng mga talakayan, lalo na sa UN General Assembly,” ayon kay Salceda.
Kilala bilang ‘pioneer’ sa adbokasiya ng ‘global climate change adaptation and mitigation,’ at ‘disaster risk reduction campaigns,’ inihalal ng 156 mahihirap na bansa si Salceda, ilang taon na ang nakararaan bilang kauna-unahang Asyanong chairman ng Green Climate Fund (GCF) ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCC), na itinatag ng UN para tugunan ang matinding mga hamon ng climate change. Matagumpay niyang nagampanan ang mga tungkulin nito.
Ang Paris Agreement ang pinakamalaking kombensiyong pangkapaligiran. Sa ngayon 190 bansa ang kasali rito, at kahit ang USA na kumalas na rito ay muling bumalik. Ang Filipinas ang nagsulong sa pinsipyo ng “common but differentiated responsibilities (CBDR)’ na pinagtibay ng Agreement na naging gulugod at lakas naman ng mahihirap na bansa.
Comments are closed.