NAGLUNSAD ang Provincial Veterinary Office (PVO) sa Negros Occidental ng magkakasunod na information, education, at communication (IEC) activities tungkol sa African Swine Fever (ASF) ngayong buwan.
Pahayag ni Dr. Renate Decena, provincial veterinarian, na ang unang gawain ay ginanap sa La Carlota City noong Huwebes, na susundan naman sa ibang bayan at siyudad. “We aim to give first-hand information and awareness on the swine disease among residents in different localities.”
Kasama sa mga gawain ay symposiums na magbibigay sa mga Negrenses ng kaalaman para maging mas maingat, mapagmasid, lalo na sa kanilang pagpili kapag bumibili ng pork products.
Sa Oktubre 15, gaganapin ang ASF information campaign sa Salvador Benedicto, Sagay City at Talisay City; Oktubre 16 sa Toboso, Cadiz City, Silay City at Cauayan; Oktubre 17 sa Escalante City, Manapla, Murcia, Hinigaran at Sipalay City; at Oktubre 18 sa Calatrava, Binalbagan, at Hinobaan.
Sa Oktubre 22 magsasagawa sa San Enrique; Oktubre 23 sa Pulupandan at La Castellana; Oktubre 24 sa Moises Padilla; Oktubre 25 sa Ilog; Oktubre 28 sa Himamaylan City; Oktubre 29 sa Isabela at Kabankalan City; at Oktubre 30 sa Binalbagan.
Ang Negros Occidental na siyang nangungunang backyard hog producer, na may P6 bilyon swine industry, ay nagpatupad ng 90-day ban sa pagpapasok ng baboy at pork products mula sa Luzon, kung saan nai-report na positibo sa ASF.
Nauna rito, nagbigay ng direktiba si Governor Eugenio Jose Lacson, na siyang namumuno sa ASF Provincial Task Force, nang nagkakaisang implementasyon ng IEC campaign, kasama ang posting ng information materials para ipamahagi sa publiko bilang bahagi ng pagsisikap nila na mapigilan ang pagpasok ng ASF sa probinsiya.
Siniguro ni Lacson ang hog raisers na gagampanan ng provincial government ang mga kinaikailangan na hakbang para maprotektahan ang kanilang kabuhayan.
Dagdag pa ng gobernador na ang mga baboy na pinalaki sa Negros Occidental ay libre sa ASF at ligtas na ibiyahe sa ibang probinsiya.
Sa kaparehong development, nakatanggap kamakailan ang ASF Provincial Task Force ng 5,000 pirasong IEC materials mula sa Rotary Club of Victorias sa pamumuno ng kanilang presidente na si Jenard Dequiña.
Samantala, sinabi ni Decena bilang co-chair ng task force, na ikinatutuwa ng PVO ang collaborative efforts sa provincial government na matulungan ang pagpapanatili ng kasalukuyang kalagayan ng Negros Occidental bilang ASF-free province. PNA
Comments are closed.