NEGOSYANTE, BAGONG DA SECRETARY

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang negosyanteng si Francisco Tiu Laurel Jr. bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Inanunsyo ni Pangulong Marcos ang pagkakatalaga kay Laurel sa isang press conference na ginanap sa Palace Grounds ng Malakanyang.

“I am very happy to have been able to announce this new appointment of one of the most important departments in our government at ito parang, isinama na natin na ang pagtingin natin sa private sector ay partner sa lahat ng mga ating gagawin,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kumpiyansa ang Pangulo na magagampanan ni Laurel ang tungkulin lalo’t matagal na ito sa industriya sa pangingisda at agrikultura.

Alam aniya ni Laurel ang mga solusyon sa problema sa sektor ng agrikultura at kilala rin nito ang mga tao lalo na ang mga expert at professional sa nabanggit na mga sektor.

Buong puso namang tinanggap ni Laurel ang hamon ng Pangulo na paglingkuran ang mga nasa sektor ng agrikultura at nagpasalamat sa tiwala ng ibinigay sa kanyang ng Punong Ehekutibo na makapagsilbi sa DA.

“Bilang kinatawan ng Pangulo, layunin ko na ipagpatuloy ang kanyang mga adhikain at programa sa sektor ng agrikultura. At sa darating na mga araw ay ilalatag ko sa inyo ang mga plano sa agrikultura in coordination with our President,” pahayag ni Laurel.

“Pangunahing adhikain ko ang pagtiyak na sagana ang ating ani at siguruhing ito ay makararating sa hapag ng bawat Filipino. Layunin ko na tiyakin na may sapat at masustansyang pagkain na mabibili ng ating mga kababayan sa tamang halaga,” giit ni Laurel.

Matatandaang mula nang maupo bilang Pangulo ng bansa noong Hunyo 2022, si Pangulong Marcos ang tumayong kalihim ng DA. EVELYN QUIROZ