LAGUNA – PINAGBABARIL hanggang sa mapatay ng limang armadong suspek ang 41-anyos na lalaking negosyante sa loob mismo ng kanyang establisimiyento sa Brgy. Maytalang 1, Lumban, lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Base sa inisyal na ulat ni PCapt. Fernando Credo, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Rexon Ruperto y Abadier, may asawa.
Dakong alas-9:30 ng gabi batay sa report nang maganap ang nasabing insidente habang aktong nasa loob ng kanyang billiard hall ang biktima nang biglang sumulpot ang limang suspek habang lulan sa tatlong motorsiklo bago ito pinaulanan ng bala.
Makaraan ang pamamaril, mabilisang tumakas ang mga suspek patungo sa bayan ng Kalayaan habang ang biktima ay iniwang nakabulagta sa semento matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang ulo at katawan mula sa kalibre 45 at 9mm na baril na agad nitong ikinamatay.
Sa talaan ng pulisya, lumilitaw na rati na umanong nasangkot sa pagtutulak ng droga ang biktima kung saan ito naaresto at sinampahan ng kaukulang kaso habang patuloy ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente. DICK GARAY
Comments are closed.