NEGOSYANTE TODAS, 2 SUGATAN SA PAMAMARIL

lopez

QUEZON – DEAD on arrival sa ospital ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang dalawa naman ang sugatan sa may Sitio Banao, Brgy. San Francisco B, bayan ng Lopez nitong Lunes.

Kinilala ang namatay na negosyante na si Rufo Comia Driz, 59-anyos habang sugatan naman  sina Rogen Asilo Villena, 29-anyos at Mark Jason Pasia Dimatulac, 24-anyos na pawang mga residente ng nabanggit na lugar.

Base sa report ng Lopez PNP na pinamumunuan ni Lt Col. Dandy Aguilar, dakong alas-4:20 ng hapon habang kumakain si Driz ng lomi sa bilyaran na tambayan sa barangay nang biglang sumulpot ang suspek at agad itong pinagbabaril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan ang biktima at naisugod pa ito sa Magsaysay Memorial District Hospital subalit idineklara ng doktor na dead on arrival na si Driz.

Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital sina Villena at Dimatulac na tinamaan ng mga ligaw na bala na naka-standby sa bilyaran na pinangyarihan ng krimen.

Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungo ng Brgy.Cogorin, Ilaya sa nasabing bayan.

Nagsagawa ng dragnet operation at checkpoint ang pulisya subalit nabigo ang mga awtoridad na madakip ang tumakas na suspek.

Hanggang sa ka­salukuyan ay wala pang inilalabas na follow report ang Lopez PNP sa pagkakakilanlan sa suspek at sa motibo ng pamamaril sa negosyante.

BONG RIVERA