RIZAL- DEAD on the spot ang isang kilalang negosyante matapos pagbabarilin kahapon ng umaga sa Barangay Macabud, Rodriguez sa lalawigang ito.
Kinilala ng himpilan ng Rodriguez police station ang biktima na si Raffy Tonion, 52-anyos, may-ari ng minimart sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay si Tonion ng kanyang motorsiklo at patungo na sa tindahan nang tambangan ng gunman pagsapit sa Calumpit road ng nasabing barangay.
Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, ilang oras bago maganap ang pamamaril, nakita umano ng mga residente sa lugar ang isang lalaki sakay ng motosiklo na parang may hinihintay sa lugar.
Dakong alas-9 kahapon ng umaga ay nakita pa umano ng ilang mamimili si Tonion na nakasakay sa kanyang motorsiklo patungo sa lugar na kinaroroonan ng suspek.
Makaraan ang ilan saglit, nakarinig na umano ng sunod- sunod na putok ng baril ang mga residente at doon nila nakita ang duguan biktima na may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.
May teorya ang mga imbestigador na pinagplanuhan ng suspek ang mga rutang daraanan ni Tonion kaya madaling naisakatuparan ang pamamaril at mabilis na nakatakas.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan ng suspek at sa motibo ng pagpatay sa negosyante. ARMAN CAMBE