QUEZON-PATAY ang isang negosyanteng ginang matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sakay ng motorsiko sa may bahagi ng Barangay Calumpang, Lungsod ng Tayabas nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Cristina Amargo, nasa hustong edad at residente ng Barangay Gulang-Gulang, Lucena City at nagmamay-ari ng isang frozen foods store na nakabase sa pinangyarihan ng krimen.
Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:43 ng umaga habang nakaupo sa kanyang tindahan ang biktima nang biglang dumating ang riding in tandem at agad pinagbabaril ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang gunman at sumakay sa naka-standby na motorsiklo na minamaneho ng kasama nito.
Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad isinugod sa United Doctors Hospital ng mga kaanak subalit binawian din ng buhay habang ginagamot.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakakilanlan at motibo ng mga salarin at nagsagawa na rin ng manhunt operation sa pamumuno ng hepe ng pulisya na si Lt Col. Bonna Obmerga. BONG RIVERA