LAGUNA- PATAY nang pagbabarilin ang isang negosyante habang malubhang nasugatan ang kasama nito matapos pagbabarilin ng umano’y nakaalitan sa harap ng isang convenience store sa Los Baños nitong Lunes ng hapon.
Sa pahayag ng Los Baños police station, nakilala ang mga biktima na si Saidamen Ampawa, dead on arrival sa Los Banos Doctors hospital sanhi sa mga tama ng bala ng baril sa katawan at kasama na si Macabangon Manuco na nasa kritikal kondisyon, ayon sa mga doktor.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sakay umano ng isang puting Toyota Innova ang mga biktima patungo sa isang mini store sa nasabing lugar para makipagkita sa kaalitang si Janal Amaril nang mangyari ang pamamaril.
Sinabi ni Major Reymond Valdeabella Asistores, Officer in Charge ng Los Banos police station, pakay umano ng negosyante na makipag-usap sa suspek para ayusin ang matagal na nilang away dahil sa kasong R.A.9262 o violence against women and childrens act.
Subalit, habang sakay ng kanyang Toyota Innova ( NCO- 5237) ang mga biktima, bigla umanong lumutang si Amaril kasama ang isa pang suspek na si Lagusak Anowar Bandara at pinaputukan si Ampawa na nasa driver’s seat at si Manuco na nasa likuran ng sasakyan.
Bagaman duguan, nagawa pa ng negosyante na makalabas ng sasakyan at sinubukang gumanti ng putok subalit bumulagta na ito sa gitna ng daan at agad na tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo.
Nagkasa na ng hot pursuit operation ang Los Banos police para sa agarang ikadarakip ng mga salarin.
Ayon naman sa barangay officials sa lugar, matagal na umanong may hidwaan ang mga biktima sa mga suspek kung saan may mga nakabinbin pang kaso ang mga ito sa korte. ARMAN CAMBE