NUEVA ECIJA- TARGET ngayon ng malawakang manhunt operation ng pulis at militar ang dalawang lalaki bumaril at nakapatay sa mag live-in partner sa loob ng sinasakyang pampasaherong bus nitong Miyerkules ng tanghali sa bahagi ng Barangay Minuli, Carranglan sa lalawigang ito.
Ayon kay Maj. Rey Ian Agliam, Caranglan police chief, sumakay ang mag live-in sa Cauayan City, Isabela habang ang mga gunman ay sumakay sa bus sa bandang Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sapol sa CCTV ang ginawang pamamaril ng dalawang di nakilalang suspek sa mga biktima na nakilalang sina Gloria Mendoza Quiullano, 60-anyos, residente ng Sta. lucia, Cauayan city, Isabela at ang live-in partner nito na nakilalang si Arman Bautista, 55-anyos at tubong Koronadal City, South Cotobato na pawang negosyante.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ang Victory Liner Bus na may plakang CAY 3363 ay galing sa terminal sa Tuguegarao City, Cagayan.
Makikita sa kuhang video mula sa CCTV o dashcam ng naturang bus, tumayo ang dalawang suspek na pawang pasahero rin mula sa bahaging likod ng bus at pumunta sa harap at walang awang pinagbabaril ang natutulog na mag-live in partner na nakasakay sa harapan.
Pinatigil naman ng mga suspek ang drayber sa pagmamaneho dahil bababa ang mga ito sa naturang lugar at tumakas.
Agad naman umanong idineretso ng drayber ng bus ang minamaneho nito sa PNP Caranglan habang lulan ang mga biktima at inireport ang nangyari.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na mga negosyante ang dalawang biktima na papunta sana sa Lapaz, Tarlac.
“Yung ano po is galing recently sa Canada, businesswoman (siya) and then ano po businessman yung lalaki. Dalawang negosyante,” ani Agliam.
Kinukumpirma pa ng mga awtoridad kung mga gun for hire ang mga suspek at ano ang motibo ng pamamaslang.
Sinasabing may sasakyan ang mga biktima subalit pinili nilang mag-commute na isa sa mga angulong tinututukan ng mga imbestigador .
Sa salaysay ng konduktor ng bus, nasa 38 ang kanilang mga pasahero na mula sa Tuguegarao papunta ng Sampaloc, Maynila. Binabaybay nila ang bahagi nang Barangay Minalin sa Carranglan nang mamaril ang mga suspek na nakasuot pa ng camouflage bago nagmadaling bumaba sa liblib na bahagi ng bayan.
Ayon sa police chief, walang ibang sinaktan ang mga salarin sa loob ng bus kung kaya’t posibleng gun-for-hire ang mga suspek.
EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ/ THONY ARCENAL