MALABON CITY – ARESTADO ng mga awtoridad ang isang negosyante matapos magpakilalang pulis nang masita sa police checkpoint dahil walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo.
Si Arvin Busa, 24, ng Blk 9, Lot 31, Brgy. Tañong ay sinampahan ng pulisya ng kasong usurpation of authority at simple disobedience sa Malabon City Prosecutor’s Office nang walang maipakita na patunay na lehitimo siyang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Malabon police chief Sr. Supt. Jessie Tamayao, dakong alas-3 ng hapon, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Malabon Police Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) sa kanto ng Gen. Luna at Sacristia St., Brgy. San Agustin nang mapansin si Busa na walang suot na helmet habang sakay sa minamanehong motorsiklo.
Nang pahintuin ng mga pulis, patuloy pa rin ito sa mabagal na pag-usad habang nagpapakilala na isa siyang pulis at nakatalaga sa Camp Crame.
Gayunpaman, sapilitan itong pinahinto ng mga tauhan ng TMRU at nang hanapan ng PNP ID ay walang naipakita si Busa na naging dahilan upang kapkapan ito ng mga pulis kung saan nakumpiska sa kanya ang isang pellet gun na nakasukbit sa tagiliran at isang posas. EVELYN GARCIA
Comments are closed.