PINASINAYAAN ni Department of Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña ang pagbubukas ng 2019 Regional Science and Technology Week na ginanap sa Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon kay Secretary dela Peña, nakatuon sa sustainable development technology ang naturang programa kung saan tampok ang mga ipinagma-malaki ng ahensiya pagdating sa usapin ng food security, disaster risk reduction, health and wellness, marine resources at iba pa.
Sa pamamagitan nito ay maipapakita ang mga naging kontribusyon ng departamento para mapalakas ang pagnenegosyo sa probinsiya katulad na lamang ng kanilang mga natulungan pagdating sa suportang teknikal.
Ipinakita rin ng DOST chief ang mga na-develop ng kagawaran gaya ng Hybrid Electric Train na kanilang nailagay na sa Cauayan, Isabela gayundin sa General Santos City, South Kotabato.
Bukod pa rito, ipinakita rin nito ang mga na-develop ng DOST para tugunan ang malnutrisyon sa bansa gayundin ang iba’t ibang produkto ng probinsiya gaya ng ube, bugnay wine ng La Union, bagnet, chichacorn, wood furnitures ng Vigan Ilocos Sur, at pottery at tradisyunal na ginagawa sa probinsiya.
Kabilang naman sa mga dumalo sa naturang programa ay sina Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc, vice governor Cecilia Araneta-Marcos at Laoag City Mayor Michael Marcos Keon gayundin si DOST Region 1 Director Armand Ganal. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.