MAKAAAPEKTO sa negosyo sa bansa ang naganap na pagpapasabog sa Jolo, Sulu noong Linggo, ayon sa European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP).
Ayon kay ECCP president Nabil Francis, dahil sa deadly bombings ay posibleng matakot ang mga investor na magnegosyo sa Filipinas.
Hindi bababa sa 21 katao ang nasawi at halos 100 ang sugatan sa pagpapasabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo noong Linggo ng umaga.
Sinabi ng mga awtoridad na ang Abu Sayyaf subgroup, ang Ajang-Ajang group, ang posibleng nasa likod ng pag-atake kung saan nakita umano sa CCTV ang isa sa tatlong miyembro ng grupo na pinasasabog ang bomba sa bisinidad ng simbahan dakong alas-8:30 ng umaga.
Paliwanag ni Francis, dahil sa naganap na pambobomba ay hindi malayong magdalawang-isip na pumunta o mag-invest sa bansa ang mga negosyante.
Bagama’t malayo sa Sulu ang Metro Manila, sinabi ni Francis na hindi maganda sa imahe ng Filipinas sa kabuuan ang pagkakaroon ng mga armadong grupo na kalaban ng pamahalaan.
“This is not a positive—or encouraging companies to come to the Philippines,” ani Francis.
“What we need is stability. Those things are of course scaring investors,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni ECCP executive director Florian Gottein na ang marahas na insidente ay lumikha ng ‘uncertainties’ na nakaapekto sa kumpiyansa ng mga investor, partikular yaong mga hindi pa nakakakilala sa Filipinas.
“It somehow seems to give a negative impression of the country, though it is far away from Manila—but it’s quite safe here,” ani Gottein.
Sa kabila nito ay nangako ang ECCP na patuloy silang tutulong sa paghikayat ng mga foreign investor sa bansa.