NEGOSYO SA PINAS LUMOBO (1.42M na sa Mayo)

Negosyo

PUMALO na sa 1.42 milyon ang bilang ng mga rehistradong negosyo sa Filipinas ngayong Mayo mula sa 1.39 milyon noong Disyembre 2018, ayon sa MSME Development (MSMED) Council.

Nangangahulugan ito na sa loob lamang ng limang buwan ay nagkaroon na ng 30,000 bagong mga negoyso sa bansa.

Ayon kay Trade Secretary at MSMED Council Chair Ramon Lopez,  nagpapakita ito na maganda ngayong magtayo ng negosyo sa Filipinas, lalo pa’t ang bansa ay 2nd fastest growing economy sa ASEAN region.

Sa 11th MSME Development Council meeting nitong Mayo, sinabi ni Sec. Lopez na ang mga programa para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) ay dapat maramdaman sa barangay-level.  Ang MSMED Council na binubuo ng mga kinatawan mula sa public at private sector ang grupong naatasang isulong ang interes ng Filipino MSMEs.

“Part of fulfilling President Rodrigo Duterte’s promise of Tapang at Malasakit is providing job and business options to help Filipinos live more comfortable lives. So even if the DTI’s budget is only up to the provincial-level, we will find ways for our pro-grams to reach MSMEs at the grassroots,” wika ni  Lopez.

Nangako rin ang Department of Trade and Industry (DTI) na ipagbibigay-alam sa publiko ang mga benepisyo ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) law.

Nilinaw ng kalihim na ang mga negosyante ay maaari pang makapagpatala bilang single proprietors sa DTI kahit na pinayagan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang registration ng one-person corporations.  Ito ay dahil, aniya, sa mas simpleng registration requirements sa DTI.

Sinisilip din ng MSMED Council ang synchronizing statistics na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng National Economic Development Authority (NEDA) sa MSMEs.  Nais din nitong bilangin ang MSMEs sa informal sector, o yaong mga hindi pa nakakakuha ng business permits.  Ang mga istatistikang ito, ayon  sa Council, ay makatutulong sa DTI, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at iba pang finance institutions na malaman kung saan kailangan ang microfinancing.

Ang mga darating na events para sa MSMEs ay kinabibila­ngan ng MSME Summit sa ­Hulyo at ang three-leg Youth Entrepreneurship Program Roadshow sa Visayas sa Hunyo,  Cebu sa ­Hulyo at Luzon sa Nobyembre.

Comments are closed.