NEGOSYO SOLUSYON SA KAHIRAPAN

MALAKI  ang paniniwala ni Presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao na ang tamang sagot sa kahirapan at gutom na nararanasan ng marami sa bansa ay ang bigyan ng todo suporta ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“Kailangang palalakasin natin at buhusan ng todong suporta ang ating mga maliliit na negosyante sapagkat sila ang totoong nagbibigay ng hanapbuhay at nagdadala ng pagkain sa hapag-kainan ng ating mga kababayan,” ayon kay Pacquiao.

Sinabi ni Pacquiao na ito ay nakabase sa isang pag-aaral na ang MSMEs ay binubuo ng 99 porsyento ng lahat ng negosyo sa bansa kaya malaki ang potensiyal na hanguin sa kahirapan ang mayorya ng mga Filipino lalo na kapag ito ay napagtuunan ng tamang pansin.

“Kitang-kita naman diyan pa lang sa sa numerong iyan kung gaano kalaki ang naitutulong ng ating mga MSMEs sa kabuuang ekonomiya ng bansa at sa marami nating mga kababayan,” sabi ng senador.

“Kaya kung mabubuhusan natin sila ng tulong at pansin ay tiyak akong mas marami sa ating mga kababayan ang mabibigyan ng hanap-buhay at siyempre ang resulta nito ay wala ng magugutom,” paliwanag ni Pacquiao.

Ang hunger rate ayon sa survey ay bumaba lamang ng 3.6 puntos noong Setyembre 2021 kumpara sa 13.6 puntos noong Hunyo 2021, at 11.1 puntos ang pagbaba kumpara sa 2020 annual average na 21.1% ngunit ito ay 0.7 puntos na mas mataas kumpara sa annual average na 9.3 puntos.

“Ang 13.5% average hunger rate sa unang tatlong quarter ng 2021 ay mas mababa noong nakalipas na taon ngunit hindi pa rin ito fully recovered sa pre-pandemic levels,” ayon sa SWS.

Kapag hinimay, 7.9%, o tinatayang 2 milyong pamilya ang nakaranas ng moderate hunger, at 2.1%, o 534,000 pamilya ang nakaranas ng sobrang kagutuman.

Ayon sa survey ang “moderate hunger” ay ang mga pamilya na kumain lamang isang beses o ilang beses lamang sa loob ng nakalipas na tatlong buwan at ang sobrang kagutuman naman ay ang halos walang makain sa kaparehong panahon.

“Lubha ang kagutuman na naranasan ng mga residente sa Metro Manila base sa resulta ng 21 mula sa 95 beses na survey mula Hulyo 1998,” base sa kaparehng resuta.

Ginawa ang survey mula Setyembre 12-16, gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adult sa buong bansa.

“Bagama’t sinabi ng SWS na nabawasan ng bahagya sa pangkalahatan ang bilang ng nagugutom kumpara noong nakaraang taon para sa akin ay hindi pa rin ito katanggap-tanggap,” banggit ni Pacquiao.