BUKOD sa pag-aartista, may dalawang bagay na hilig ko talaga— ang pagbibiyahe at pagnenegosyo.
Mapalad ako dahil sinuportahan ng Mama ko ang interes ko sa showbusiness kahit sa murang edad. Pero kasabay noon, iminulat din niya ako sa kahalagahan ng pagiging business-minded. Bukod sa pagmo-model ng sarili naming produktong accessories, nagbebenta rin ako sa mga kaibigan at kakilala—kahit hanggang sa set!
Kaya naman lumaki akong laging naghahanap ng pagkakataon na kumita sa mga bagong bagay na natutuklasan at sa mga bagong lugar na napupuntahan ko. Sabi nga, no opportunity wasted. Kaya naman maging sa mga pagbiyahe ko sa iba’t ibang lugar, lagi akong on the lookout sa mga ideya na puwede kong magamit sa hinaharap.
Noong nakaraang linggo, nagpunta kami sa Pampanga para sa Holy Week assignment ko sa isang show. Isa kasi ang Pampanga sa may mga pinakamagarbong paggunita ng Semana Santa sa buong Filipinas.
First stop namin ay ang Holy Angel Chapel sa Angeles, Pampanga na may humigit-kumulang na 100 relics. Kabilang sa mga tampok ang mga relic mula kina Pope John Paul II, Padre Pio, ang mga Apostol, at ang krus na pinagpakuan kay Hesus.
Naka-categorize ang mga relic sa tatlo—ang mga 1st class na kinabibilangan ng mga bahagi ng katawan ng santo tulad ng kuko, buto, ngipin, tela na may dugo, at buhok; 2nd class naman ang mga relic na galing sa personal na gamit ng mga santo tulad ng damit; at itinuturing namang 3rd class ang mga relic na nakuha mula sa mga lugar na napuntahan ng santo. Ang relics na ito ay donasyon sa Holy Angel University ng iba’t ibang deboto at nanggaling pa mismo sa Vatican.
Isa pa sa mga pinuntahan namin ang pagawaan ng mga karosa o ang negosyo ng pagpupukpok. Ang isang karosa ay naibebenta pala mula halagang Php400,000 hanggang Php900,000 depende sa laki at materyal na gagamitin.
Hindi rin kasi biro ang paggawa ng isang karosa na umaabot ng isa hanggang dalawang buwan. Ang unang proseso ay ang pagpapaalsa sa brass o tanso sa pamamagitan ng pagpukpok sa hulmahan upang lumitaw ang disenyo. Ikalawa ay ang paglalagay ng detalye sa pamamagitan ng pagpukpok ng metal sa alakbre o saing. Ang alakbre o saing ay ang lamesa kung saan nakahulma ang mga disenyo na gawa sa pinaghalong rubber tree at semento. Pangatlo ay ang paggawa ng base ng karosa, kung saan idinidikit ang mga disenyong gawa sa metal.
Ikaapat ang paglalagay sa karosa ng mga disenyong tanso. Ang huling proseso naman ay ang pagpapakintab ng mga metal.
Hindi biro ang mga prosesong ito na nangangailangan ng mahabang pasensiya at pagiging mabusisi. Dahil dito, nasa 12 karosa lang ang natatapos sa loob ng isang taon. Ang ilang kliyente nga raw, limang buwan bago ang okasyon ay umo-order na. Kung may lumang karosa na gustong ipa-restore, puwede rin. Nagsisimula ang presyo ng restoration sa Php 400,000. Bagama’t mahal, sigurado namang magiging mas maganda at enggrande umano ang inyong mga karosa.
Nakatutuwa (at nakamamangha!) na ang ibang mga Filipino ay handang gumastos ng napakalaking halaga para sa kanilang pananampalataya. Sa tingin ko, malakas talaga ang kanilang paniniwala na kahit gaano kalaki man ang gastusin nila, mas malaking biyaya naman ang kapalit nito mula sa langit.
Isa sa pinakagusto kong katangian nating mga Pinoy—ang pagiging relihiyoso at ang malalim na pananampalataya natin sa Panginoon. Sa darating na Semana Santa, sa gitna ng ating pagbabakasyon at pagsasaya kapiling ang ating mga pamilya at kaibigan, huwag sana nating kalimutan ang tunay na diwa ng panahong ito—ang pagtitika sa ating mga kasalanan at ang pag-alala sa sakripisyo ni Hesus upang iligtas ang sanlibutan.
Have a blessed Holy Week, everyone.
Please don’t forget to follow me on my social media accounts:
www.instagram.com/beabinene
www.twitter.com/beabinene
www.facebook.com/beabineneonline
www.youtube.com/beabineneonline
Comments are closed.