NEW normal na ang umiiral at kailangang tuloy ang buhay kahit pa may pandemya. Dapat, may kita kahit nasa bahay ka. In fact, kahit nga ang pag-aaral sa mga public school ay online na ngayon, kaya online selling muna tayo. Heto ang isa pang negosyo tip na puwedeng-puwedeng pagkakitaan, ang lumpiang shanghai.
Lumpia Shanghai
Sa paggawa ng lumpiang shanghai, nangangailangan tayo ng dalawang pakete ng maliit na lumpia wrapper na P25 ang isang bundle. Mabibili ito sa palengke. Huwag sa supermarket dahil mas mahal. Nangangailangan din tayo ng isang kilong giniling na karne ng baboy na nagkakahalaga ng P185. Bilhin ninyo ay may kaunting taba para mas malasa. Lagyan din ng kalahating kilong carrots na hiniwa ng maliliit. Nagkakahalaga ito ng P40. Kasama rin sa mga sangkap ang tinadtad na dalawang puting sibuyas (P10), kalahating tasang tinadtad na kintsay o celery (P15), at isang tipak (kalahating kilo) ng dinurog na tofu o kaya naman ay kalahating kilo ng patatas na hiniwa ng maliliit – kung ano angmas gusto ninyo. Nagkakahalaga ito ng P30-P50. Siyempre, kailangan ding lagyan ng asin, paminta na kuwentahin na lamang natin sa P10.
Lahat-lahat, ang ating gastos sa puhunan ay aabot sa P340.
Sa pagluluto, unahin nating paghiwa-hiwalayin ang lumpia wrapper. Lamukusin itong parang papel upang madaling paghiwa-hiwalayin. Simulan natin ang paghahanda.
Una, pagsama-samahin ang lahat ng sangkap at painitin sa kawali hanggang lumabas ang sariling sabaw. Hindi na po ito igigisa. Lagyan ng ½ kutsaritang paminta at 1 kutsaritang asin para lumasa. Puwede ring patis ang gamitin para mas masarap.
Kapag luto na, patuluin sa salaang malaki upang mapiga ang sabaw. Palamigin. Kapag malamig na, balutin sa lumpia wrapper. Lagyan ng isang kutsarita ng mixture bawat balot. Makagagawa tayo ng 100 pirasong lumpia shanghai kung gagamit kayo ng papaya, at 150 piraso kung tofu naman ang gagawing extender.
Siguruhing layo-layo ang mga lumpia habang binabalot upang hindi magdikit-dikit. Patuyuin (air dry) muna ang shanghai bago ipakete ng tig-10 piraso sa plastic. Plastic ng yelo ang ginagamit naming pambalot dahil mas matibay at puwedeng ilagay sa freezer.
Costing
Bilang kapital, gumastos tayo ng P340, ngunit magdadagdag tayo ng P50 para sa gasul, P100 para sa labor at P20 para sa plastic na hindi naman natin mauubos. Lahat-lahat, aabot sa P510 ang ating puhunan.
Batay sa ating nagastos, lumalabas na P3.40 ang original na puhunan sa bawat piraso ng shanghai kaya kung isasama ang labor cost at plastic ay lumalabas na P5 ang puhunan bawat isa. Maaari itong ibenta ng P7-8 bawat isa kaya kikita tayo ng P300-400 bawat salang, kung ibebenta natin ito sa harapan ng ating bahay o ide-deliver sa mga umo-order.
Bawat balot ay may lamang sampung piraso na ibebenta natin ng P70 o kaya naman ay limang piraso (dahil malalaki at puwedeng hiwain sa gitna) na P35 lamang. Tandaang puwedeng walang kahalong tofu o patatas ngunit pampadagdag ito ng volume, at kung pangbenta ito, mas magiging malaki ang tubo. Idagdag din ang P10 mantika at P5 bawang kung gusto ninyong igisa, kaya P8 ang magiging presyo nito bawat piraso. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.