(NI CT SARIGUMBA)
HINDI na naman nagpapaawat ang pagpatak ng ulan. Maya’t maya at tila walang kapaguran. Kaya tuloy tinatamad na rin tayong gumalaw-galaw. Tila ba nais na lang nating maglagi sa bahay at ang mag-relax.
Puwede nga namang maglagi lang sa bahay. Gayunpaman, kahit na naisin nating maglagi lang sa bahay ay hindi maaari lalo na’t napakarami nating obligasyon o responsibilidad—gaya na lang ng pang-araw-araw na pangangailangan ng ating pamilya. Kung hindi tayo kikilos, paano na nga naman ang ating pamilya.
Bukod sa pag-oopisina ay marami rin tayong puwedeng gawing negosyo na patok ngayong madalas ang pag-ulan. At ilan sa mga negosyong swak subukan ay ang mga sumusunod:
PAGTITINDA NG MGA PAGKAING MASABAW
Unang-una sa ating listahan ang pagtitinda ng mga pagkaing masasabaw o maiinit. Swak na swak nga naman kapag malamig ang panahon ang pagkain ng mga putaheng talaga namang makapagpapagaan ng iyong pakiramdam at makapagpapainit ng nadaramang lamig.
Kung usapang negosyo nga naman, kailanman ay hindi ito nawawala sa uso. Kadalasan din ay ito ang sinisimulang negosyo ng marami sa atin dahil kahit na maliit lang ang puhunan, maaari ka nang makapagsimula.
Kaya’t sa mahihilig kumain at magluto, subukan na ang pagbebenta ng mga pagkaing swak sa maulang paligid na kinatatakaman din ng maraming Filipino. Ilan sa mga puwedeng-puwede mong lutuin na kinatatakaman ng marami ay ang lugaw, sopas, champorado o kaya naman noodles. Swak na swak itong pang merienda hindi lamang ng buong pamilya kundi maging ng mga kapitbahay o nag-oopisina.
Gustong-gusto o hanap nga naman ng mga tao ang mainit na sabaw kapag ganitong tila nanginginig tayo dahil sa malamig na panahon.
Ang gawin lang ay ipaalam sa mga kakilala ang lulutuing merienda at puwede mong ipadala sa kanila. Marami na ring paraan ngayon kung paano ipadadala sa mga customer ang produkto.
Para rin balik-balikan ang iyong ihahanda o inio-offer sa customer, siguraduhing masarap ito at malinis ang preparasyon. Importante ang kalinisan nang hindi mapahamak ang iyong kliyente o parokyano.
COFFEE AT HOT CHOCOLATE VENDING MACHINE
At dahil napakahilig din natin sa kape at hot chocolate, swak na swak din ang pag-i-invest sa vending machine.
Hindi mo na kailangan pang mamroblema sa ganitong negosyo dahil ito ang klase ng mapagkakakitaang huhulugan lang ng barya at may instant kape o hot chocolate na ang iyong customer. Hindi mo na kailangan pang magtimpla o magpakulo ng tubig dahil isang pindot lang ay may umuusok kang inumin kaya’t hinding-hindi iinit ang ulo ng iyong customer sa paghihintay.
ONLINE SELLING O PAGBEBENTA GAMIT ANG SOCIAL MEDIA O ONLINE
Isa pa sa sobrang patok ngayon ang online selling. Napakarami nga naman ang tumatangkilik nito. Wala na nga naman kasing panahon ang marami sa ating lumabas o magtungo sa mall o saan man para mamili.
At isang naging takbuhan ng mga abalang mommy at estudyante ang pagtangkilik sa online selling. Isang pindot lang din kasi ay makapipili ka na ng kailangan mo o gustong bilhin.
At dahil marami ang tumatangkilik sa online selling, mainam din itong simulang negosyo lalo na ngayong tag-ulan. Hindi mo na rin kailangang gumastos pa ng malaki para lang makapagpatayo o makapagsimula ng online business. Kailangan mo lang ng computer o kahit cellphone, internet connection at mga produktong nais mong ibenta.
Para rin hindi mahirapan sa produktong nais ibenta, mainam kung maghahanap ng supplier. Puwede rin namang ikaw na mismo ang maghanap ng maibebenta. Pagdating din sa payment, marami ring option na puwedeng pagpilian.
Para naman mawili ang customer at tangkilikin ang iyong produkto o serbisyo, siguraduhing maayos ang iyong ibinebenta at na-check itong mabuti. May ilan kasing hindi nila nakikita ang produktong kanilang ibinebenta. Kung hindi na-check at nagkaproblema, mawawalan ka ng customer.
Kaya’t maging hands-on din kung susubukan ang online selling. Maging mabait din sa customer.
LAUNDRY SHOP
Isa pa sa swak na negosyong puwedeng simulan ang laundry shop. Marami na ngayon ang nagtatayo nito. Ngunit hindi porke’t marami na ang nagtatayo ay aayaw tayo o hindi na natin ito susubukan. Indemand ngayon ang laundry shop lalo’t marami sa atin ang halos walang panahong maglaba.
Hindi lamang ito tinatangkilik ng mga mommy o empleyadong abalang-abala kundi maging ng mga estudyanteng nagdo-dorm.
Sa pagpapatayo ng ganitong negosyo, hindi rin naman kailangang malaki kaagad. Puwedeng magsimula muna sa maliit at kapag kumita saka na palakihan.
Sa ganitong negosyo, mahalaga ang lokasyon. Kailangang daanan ng tao o accessible ang pagtatayuan mo ng ganitong negosyo. Makatutulong din upang makuha mo ang loob ng iyong customer kung may pick up at delivery kang inio-offer.
Maraming paraan upang kumita. Maging madiskarte lang. (photos mula sa google)