KULONG ang isang 40-anyos na lalaki matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa 12-anyos na batang babae habang nakikipaglaro ang biktima sa mga kaibigan sa Valenzuela City.
Nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 o Child Abuse Law ang suspek na si Dionisio Bayoca, 40, driver ng Yakal St., Old Prodon, Gen. T. De Leon.
Batay sa ipinadalang ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Valenzuela Police P/Col. David Nicolas Poklay, alas-7 ng gabi, nakikipaglaro umano ang biktimang itanago sa pangalang “Gina” sa mga kapuwa bata sa labas ng kanilang bahay nang biglang hablutin ng suspek ang kanyang kamay at mahigpit na niyakap bago pinupog ng halik ang kanyang pisngi.
Sa kabila ng naramdamang takot, nagawang makapiglas ng biktima at nagtatakbo papasok sa kanilang bahay saka nagkulong sa kanyang silid.
Kamakalawa lamang ng hapon, napansin ng tiyahin ng biktima ang kanyang pamangkin na hindi naglaro sa labas ng bahay at tila may kinatatakutan kaya’t pinilit niyang usisain ang bata.
Nang matuklasan ng tiyahin ng biktima ang pangyayari, kaagad siyang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. VICK TANES
Comments are closed.