NET INCOME NG PHILHEALTH PAPALO SA P61-B

PHILHEALTH

MAGKAKAROON ng sapat ng pondo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa bagong benepisyo ng state insurer kahit na gamitin ng gobyerno ang excess funds nito.

Sa panayam nitong Linggo, binigyang-diin ni Finance Secretary Ralph Recto na hindi makaaapekto sa benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth ang paggalaw sa ‘sleeping funds’ nito.

“’Yung benefit packages sa mga myembro ng PhilHealth, dadagdagan sa taon na ito ng mahigit 30%. Tapos ang malulubhang sakit katulad ng breast cancer, ibinibigay ngayon 100,000 pesos, gagawing 1.4 million. At marami pang iba,” paliwanag ni Recto.

“Madadagdagan ang benepisyo ng PhilHealth, at kahit dadagdagan ‘to, malaki pa ang kita ng PhilHealth, at ‘yung kinuha lang natin dito ay ‘di galing sa contrbutions ng members; ito ay galing sa subsidiya ng gobyerno,” dagdag pa ng kalihim.

“In fact ang gobyerno next year ay magbibigay na naman ng 70 billion sa PhilHealth. Sapat na sapat, dadagdagan ang benepisyo,” ani Recto.

Aniya, mahigit kalahating trilyong piso ang nasa kaban ng PhilHealth, sapat na para sa kanilang gastusin sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

“By the end of this year, 550 billion pesos ang pondo ng PhilHealth. Kahit na dalawa o tatlong taon, sapat ‘yung pondong yan,” sabi ni Recto, dating mambabatas at may akada ng Universal Health Care law.

Dagdag niya, aabot sa P61 bilyon ang net income ng PhilHealth pagkatapos ng taong ito.

Ayon kay Recto, patuloy ang pagtaas ng kita ng PhilHealth sapul pa noong 2019. Noong taong iyon, P4 bilyon ang kita ng PhilHealth at naging P30 bilyon noong 2020. Lumobo pa ang kita sa P48 bilyon noong 2021; P79 bilyon noong 2022 at P173 bilyon naman noong 2023.

Sa naturang panayam, Ibinunyag ni Recto na ang P20 bilyon na excess funds ng PhilHealth ay nagamit na para sa health emergency allowance ng mga health worker at frontliner.
VICKY CERVALES