NAITALA ni Kyrie Irving ang 15 sa kanyang 32 points sa fourth quarter upang tulungan ang Brooklyn Nets na mahila ang kanilang winning streak sa season-high nine games sav125-117 panalo kontra host Cleveland Cavaliers noong Lunes ng gabi.
Sa 11th anniversary ng kanyang NBA debut sa Cleveland, naipasok ni Irving ang 11 sa kanyang 19 tira at isinalpak ang pitong 3-point shots at naipanday ng Brooklyn ang dalawang 19-point leads bago nalusutan ang late comeback attempt ng Cleveland sa likod ni Darius Garland, na pinangunahan ang lahat ng scorers na may 46 points. Bagaman bumuslo si Garland ng 14 of 20 at tumapos sa kanyang ika-4 na 40-point game sa kanyang career, si Donovan Mitchell ay nalimitahan sa 15 points.
Umiskor si Kevin Durant ng 32 points ngunit na-foul out sa ika-6 na pagkakataon sa kanyang career nang tamaan niya si Garland, may 1:54 minuto ang nalalabi. Nalagpasan din ni Durant si Tim Duncan sa 15th sa all-time scorer list at tinapos ang gabi na may 26,516 career points.
Naitala ni Garland ang 18 sa kanyang mga puntos sa fourth, kabilang ang isang jump sa lane na naglagay sa talaan sa 121-117, may 44 segundo ang nalalabi. Matapos ang dalawang free throws mula kay Irving, si Garland ay nasupalpal sa lane ni Nic Claxton, may 31.3 segundo ang nalalabi, at naipasok ni TJ Warren ang dalawang free throws, may 13.8 segundo ang nalalabi.
Clippers 142, Pistons 131 (OT)
Tumipa si Paul George ng 32 points at nagbigay ng 11 assists nang maitakas ng Clippers ang overtime win kontra Detroit sa Los Angeles, na nagmula sa 14-point deficit sa huling tatlong minuto ng regulation.
Gumawa si Luke Kennard ng 18 points para sa Los Angeles habang umiskor sina Marcus Morris Sr., Norman Powell at John Wall ng tig-16 points.
Pinangunahan ni Bojan Bogdanovic ang walong Pistons na may double digits na may 23 points. Kumamada si Isaiah Stewart ng 21 points, kumubra si Killian Hayes ng 18 at 10 assists, at nagdagdag si Jalen Duren ng 15 points at 12 rebounds.
Heat 113, Timberwolves 110
Napuwersa ng depensa ng Miami ang 22 turnovers, ang huli ay nagmula sa steal ni Kyle Lowry sa closing seconds upang mapigilan ang Minnesota.
Nanguna si Max Strus na may 19 points, kabilang ang 5-of-10 shooting mula sa arc. Si Strus ay isa sa limang Miami players na umiskor ng double digits. Tumapos si Lowry na may 18 points at 9 assists.
Nagbuhos si Anthony Edwards ng 29 points ngunit gumawa ng walo sa 22 turnovers ng Minnesota, ang huli ay sa huling oportunidad ng Wolves nang mabitiwan ni D’Angelo Russell ang bola.