NETS NASILO ANG BUCKS

TUMAPOS si Kyrie Irving na may season-high 38 points at nalusutan ng Brooklyn ang seven-point, fourth-quarter deficit upang gapiin ang Milwaukee, 126-123, sa rematch ng 2021 Eastern Conference semifinal matchup.

Bumuslo si Irving ng 14-for-26 at nagdagdag ng 5 rebounds at 5 assists. Nakalikom si Brooklyn’s Seth Curry ng 19 points, nagposte si Andre Drummond ng 17 points at 12 rebounds, kumabig si Bruce Brown ng 15 points at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 11.

Napantayan ni Bobby Portis ang kanyang season high na may 30 points, salamat sa career-high eight 3-pointers. Nagbuhos si Giannis Antetokounmpo ng 29 points (sa 8-of-20 shooting), 14 rebounds at 6 assists, nag-ambag si Khris Middleton ng 25 points at 7 assists, at kumubra si Jrue Holiday ng 19 points at 7 assists.

CELTICS 113, PISTONS 104

Nagbuhos si Jaylen Brown ng 27 points at nagdagdag si Jayson Tatum ng 26 points, 11 rebounds at 6 assists nang hilahin ng Boston ang kanilang road winning streak sa pitong laro sa panalo kontra Detroit.

Nakalikom si Payton Pritchard ng19 points at 6 assists mula sa bench para sa Celtics, na nanalo ng 11 sa kanilang huling 12 games. Naiganti nila ang nag-iisang talo sa naturang stretch — 112-111 panalo ng Detroit sa Boston noong Feb. 16.

Nanguna si Cade Cunningham para sa Pistons na may 25 points, 7 rebounds at 3 assists. Kumana si Cory Joseph ng 15 points, umiskor si Marvin Bagley ng 14 at nagdagdag si Saddiq Bey ng 13 points, 7 rebounds at 3  assists.

GRIZZLIES 116, BULLS 110

Kumamada si Ja Morant ng franchise-record at career-high 46 points at sinapawan si DeMar DeRozan upang pangunahan ang Memphis Grizzlies sa panalo kontra host Chicago Bulls.

Nag-ambag si Steven Adams ng 12 points at season-high 21 rebounds para sa Memphis na pinutol ang two-game slide. Nagdagdag si Desmond Bane ng 12 points at umiskor si Tyus Jones ng 11 para sa Grizzlies.

Tumirada si DeRozan ng 31 points upang hilahin ang kanyang streak na 30-point outings sa 10, kulang na lang ng isa sa franchise mark na naitala ni Michael Jordan sa 1986-87 season. Si Jordan ay may 10-game streak din sa 1990-91 campaign.

Kumubra si Zach LaVine ng 28 points at nagdagdag si Coby White ng 15 para sa Bulls, na naputol ang six-game winning streak. Nakakolekta si Javonte Green ng 12 points at nagdagdag si Nikola Vucevic ng 11 points at  13 rebounds.

Sa iba pang laro, namayani ang Heat sa Spurs, 133-129; ginapi ng Cavaliers ang Wizards, 92-86; pinayuko ng Nuggets ang Kings, 115- 110; at kinalawit ng Hawks ang Raptors, 127-100.