NETS NILAMBAT ANG KNICKS

NAKAKOLEKTA si Kevin Durant ng 41 points at 11 rebounds upang pangunahan ang Brooklyn sa 130-123 panalo laban sa New York, Martes ng gabi.

Kumamada si Durant ng 16 points sa third quarter at naisalpak ang tiebreaking 11-footer na nagbigay sa Nets ng 110-108 lead, may  4:54 ang nalalabi, at tinulungan ang Brooklyn na ma-outscore ang Detroit, 22-15, para tapusin ang laro. Nagdagdag si Nets guard Kyrie Irving ng 24 sa kanyang ikalawang laro sa season.

Napantayan ni rookie Cade Cunningham ang kanyang career high na may 34 points para sa Pistons, na natalo sa ika-9 na pagkakataon sa 11 games.

Clippers 121, Jazz 115

Nagsalansan si Paul George ng 34 points, 6 assists at 4 steals sa kanyang unang laro sa loob ng mahigit tatlong buwan at nalusutan ng Los Angeles Clippers ang 25-point deficit para maiposte ang 121-115 panalo kontra bisitang Utah Jazz.

Naipasok ni George ang 6 sa 9 na 3-point attempts at naglaro sa loob ng 31 minuto sa kanyang unang pagsalang magmula noong Dec. 22. Hindi siya nakapaglaro dahil sa elbow injury. Umiskor si Reggie Jackson ng 21 points, nagdagdag si Luke Kennard ng 17 at nag-ambag si Isaiah Hartenstein ng 14 points, 7 rebounds at 6 assists para sa Los Angeles.

Tinapos ng Clippers ang laro sa 34-12 surge para putulin ang five-game losing streak.

Kumubra si Donovan Mitchell ng 33 points at 6 assists at kumalawit si Rudy Gobert ng 16 rebounds para sa Utah na nalasap ang ika-5 sunod na kabiguan.

Sa iba pang laro, sinuwag ng Bulls ang Wizards, 107- 94; dinispatsa ng Bucks ang 76ers, 118-116; at nilampaso ng Mavericks ang Lakers. 128-110.