NAGBUHOS si Kevin Durant ng 43 points, kabilang ang 26 sa third quarter, upang pangunahan ang bisitang Brooklyn sa 124-121 panalo kontra Detroit at mahila ang kanilang winning streak sa anim na laro.
Nag-ambag si Kyrie Irving ng 38 points para sa Brooklyn, na lumamang lamang sa closing seconds ng third quarter.
Nanguna si Bojan Bogdanovic para sa Detroit na may 26 points. Umiskor si Jaden Ivey ng 19 points, habang nagdagdag sina Marvin Bagley III at Alec Burks ng tig-12.
Tinapos ng Nets ang third quarter sa 21-7 run upang kunin ang 98-96 kalamangan.
Warriors 126, Raptors 110
Kumana si Jordan Poole ng career-best 43 points sa 14-for-23 shooting nang pataubin ng bisitang Golden State ang Toronto.
Kumubra si Draymond Green ng 17 points at 9 rebounds para sa Warriors, na pinutol ang three-game skid sa kanilang ikatlong road win sa season laban sa 14 talo.
Tumipa rin si Klay Thompson ng 17 points para sa Warriors, na 1-3 makalipas ang apat na laro sa six-game road trip. Nag-ambag si JaMychal Green ng 15 points at nagtala si Kevon Looney ng 11 points at 11 rebounds.
Kumabig si Pascal Siakam ng 27 points para sa Raptors, na natalo ng limang sunod, isang streak na kinabibilangan ng tatlong sunod na home losses. Nagdagdag si Fred VanVleet ng 22 points, nagposte si Scottie Barnes ng 17, umiskor si Malachi Flynn ng 16 at tumabo si fellow reserve Chris Boucher ng 11 points at 14 rebounds.
Timberwolves 150, Bulls 126
Naiposte ni Anthony Edwards ang 28 sa kanyang season-high 37 points sa second half nang tambakan ng Minnesota ang Chicago sa Minneapolis.
Makaraang magsimula sa 3 of 10, isinalpak ni Edwards ang 10 of 15 shots matapos ang halftime nang ma-outscore ng Minnesota ang Chicago 79-61. Nagdagdag din siya ng career-high 11 assists na sinamahan ng 7 rebounds.
Nagbalik si D’Angelo Russell mula sa pagliban ng dalawang laro dahil sa left knee contusion at tumapos na may 28points, kabilang ang pito sa 23 3-pointers ng koponan. Nagbigay rin siya ng 8 assists.
Pinangunahan ni DeMar DeRozan ang anim na Bulls sa double figures na may 29 points, subalit muling kumulapso ang koponan sa second half, at nalasap ang ika-4 na sunod na kabiguan upang mahulog sa 3-8 sa huling 11 games. Nagdagdag si Nikola Vucevic ng 23 at tumapos si Zach LaVine na may 22.
Magic 95, Celtics 92
Umiskor si Paolo Banchero ng 31 points at kumamada ng career-best six 3-pointers upang pangunahan ang Orlando sa panalo kontra host Boston.
Nagdagdag si Banchero ng 6 rebounds, 3 assists at pares ng steals. Nagtala siya ng 7 of 12 mula sa field at 4 of 4 mula sa downtown sa 22-point first half. Apat na iba pang Orlando players ang tumapos na may hindi bababa sa 11 points.
Nagsalansan si Jaylen Brown ng 24 points, 14 rebounds, 3 steals at 2 blocks para sa Boston. Naglaro ang Celtics na wala si star Jayson Tatum (personal reasons).
Sa iba pang laro ay pinataob ng Knicks ang Pacers, 109-106, at ginapi ng Nuggets ang Hornets, 119-115.