TUMABO si Spencer Dinwiddie ng 24 points at sinamantala ng Brooklyn Nets ang pagkawala ni Joel Embiid upang itarak ang 109-89 panalo laban sa Philadelphia 76ers noong Linggo ng gabi sa New York.
Abante ang Nets sa huling 41:54 sa unang pagtatagpo ng dalawang koponan magmula sa first round ng nakaraang postseason. Si Embiid ay may average na 24.8 points sa apat na games na kanyang nilaro sa serye, subalit hindi nakasama ng Sixers dahil sa upper respiratory illness.
Tinulungan ni Dinwiddie ang Nets na umangat sa 10-5 na wala si Kyrie Irving (right shoulder impingement) sa pagbuslo ng 9 of 21 mula sa field at nagdagdag ng 6 assists. Ito ang ika-4 na sunod na 24-point game ni Dinwiddie at ika-13 laro na umiskot siya na hindi bababa sa 20 mag-mula nang malagay sa starting lineup upang palitan si Irving.
Nagdagdag si Joe Harris ng 16 points para sa Nets, na umabante ng hanggang 23 at bumuslo ng 45.7 percent. Gumawa si Garrett Temple ng 13 at tumipa si DeAndre Jordan ng 13 points at 11 rebounds.
MAGIC 130,
PELICANS 119
Walong Orlando players ang umiskor ng double figures sa pagpapalasap sa host New Orleans ng franchise-worst 12th consecutive loss nito.
Nanguna si Jonathan Isaac para sa Magic na may 21 points at 11 rebounds. Tumipa si Nikola Vucevic, nagbalik mula sa 11-game absence dahil sa sprained ankle, ng 20, habang nag-ambag sina D.J. Augustin ng 17, Evan Fournier ng 16, Terrence Ross ng 14, Mo Bamba ng 13 at Michael Carter-Williams at Markelle Fultz ng tig-10.
Pinutol ng Magic, naisalpak ang 17 sa 34 3-pointers, ang three-game losing streak. Nagbuhos si Jrue Holiday ng 29 points, nag-ambag si JJ Redick ng 23, gumawa si Brandon Ingram ng 21 at nagposte si Josh Hart ng 20 para sa Pelicans, na hindi pa nananalo magmula nang maitala ang 124-121 victory sa Phoenix noong Nob. 21.
LAKERS 101, HAWKS 96
Kumana si LeBron James ng 32 points upang pangunahan ang bumibisitang Los Angeles sa panalo laban sa Atlanta at mapalawig ang kanilang road win streak sa 14 games.
Gumawa si James ng 12 sa 21 mula sa field, apat dito ay 3-pointers, at nagdagdag ng 13 rebounds, 7 assists at 3 blocks upang tulungan ang Lakers na mapalawig ang kanilang overall winning streak sa pito.
Sa iba pang laro, pinulbos ng Indiana Pacers ang Charlotte Hornets, 107- 85; nasingitan ng Denver Nuggets ang New York Knicks, 111-105; at giniba ng Sacramento Kings ang Golden State Warriors, 100- 79.
Comments are closed.