NETS SINILO ANG GRIZZLIES

UMISKOR si Dennis Schroder ng 18 points at nakopo ng bisitang Brooklyn Nets ang kanilang unang panalo sa ilalim ni  interim coach Kevin Ollie, isang wire-to-wire, 111-86 win laban sa Memphis Grizzlies noong Lunes ng gabi.

Makaraang ma-outscore ng 93 points sa kanilang huling tatlong laro, dinomina ng Nets ang ikatlong laro ni Ollie magmula nang palitan niya si Jacque Vaughn. Pinutol ng Brooklyn ang four-game losing streak at nanalo sa ikalawang pagkakataon sa siyam na laro nang payagan ang lowest point total nito sa  season.

Si Schroder ay nasa kanyang ikalawang start buhat nang kunin sa  Feb. 8 trade deadline mula sa Toronto Raptors. Naipasok niya ang 7 of 12 shots mula sa floor at nagdagdag ng lima sa 32 assists ng Brooklyn.

Nag-ambag si Cam Thomas ng  14 points para sa Nets subalit lumabas na may right ankle injury.

Nagtala sina Brooklyn’s Dorian Finney-Smith at  Lonnie Walker IV ng tig-13 points, at kumalawit ang dalawa ng 15 rebounds. Nakakolekta si Cameron Johnson ng 12 points, tumapos si Mikal Bridges na may 11 at nag-ambag si Nic Claxton ng 10 para sa Nets, na bumuslo ng 48.9 percent at lumamang ng hanggang 30.

Nanguna si Lamar Stevens para sa Grizzlies na may 17 points, at gumawa si Jaren Jackson Jr. ng 15 ngunit bumuslo lamang ng 2-for-12. Kumabig si Luke Kennard ng 11 points at nagdagdag si Jake LaRavia ng 10 para sa Grizzlies, na bumuslo ng 38.7 percent at natalo sa ika-11 pagkakataon sa 13 games.