NETS SINILO ANG WARRIORS

UMISKOR si Kevin Durant ng 23 points, ang lahat maliban sa dalawa ay sa 91-point first half na third-biggest sa kasaysayan ng NBA, at tinambakan ng Brooklyn Nets ang Golden State Warriors, 143-113, nitong Miyerkoles upang ipalasap sa reigning champions ang kanilang ikalawang blowout loss sa loob ng dalawang gabi sa New York.

Naka-sideline sina Stephen Curry, Klay Thompson at Andrew Wiggins, ang Warriors ay nalamangan ng 44 points sa larong ito at tumapos sa 1-5 sa kanilang pagbiyahe sa East.

Napantayan ng Nets ang franchise record na may 9 players sa double figures at nanalo ng pitong sunod, sa kabila ng pagkawala ni Kyrie Irving dahil sa calf tightness.

Nagtala si James Wiseman ng career-high 30 points sa 12-for-14 shooting para sa Warriors, na natalo ng 38 points sa Knicks noong Martes ng gabi.

RAPTORS 113, KNICKS 106

Nagbuhos si Pascal Siakam ng career-high 52 points at pinutol ng Toronto ang NBA-leading eight-game winning streak ng New York.

Nagdagdag si Siakam ng 9 rebounds at 7 assists sa 41 minutong paglalaro at tinapos ng Toronto ang kanilang six-game skid. Tumipa si Fred VanVleet ng 28 points at nag-ambag si OG Anunoby ng 15 para sa Raptors na nanalo sa ika-4 na pagkakataon sa 16 road games. Ito ang una nilang panalo sa road magmula noong Nov. 14.

Kumana si R.J. Barrett ng 30 points at tumapos si Julius Randle na may 30 points at 13 rebounds. Nagdagdag si Immanuel Quickley ng 20 points sa 7-for-10 shooting sa kanyang unang start sa season.

CAVALIERS 114, BUCKS 106

Nagposte si Donovan Mitchell ng 36 points upang pangunahan ang Cleveland sa panalo kontra Milwaukee sa kabila ng season-high 45 points ni Giannis Antetokounmpo.

Nagdagdag si Darius Garland ng 23 points at tumirada si Jarrett Allen ng 19 para sa Cavs, na natalo sa kanilang unang dalawang laro kontra top team sa Eastern Conference ngayong season. Umangat ang Cavs sa NBA’s best home record 16-2, napantayan ang kanilang simula sa 2016 championship season.

Naitarak ng Cavaliers ang 24-point lead sa third, subalit lumapit ang Bucks ng limang puntos, may 2:21 ang nalalabi. Nagtala si Mitchell ng 9 of 9 mula sa free-throw line sa fourth at sinelyuhan ng Cleveland ang panalo. Naipasok ni MItchell ang 15 sa 16 free throws.

Umiskor si Antetokounmpo ng 24 points sa second half at nagdagdag ng 14 rebounds. Nagposte si Brook Lopez ng 14 points para sa Bucks, na naglaro na wala sina injured All-Star forward Khris Middleton.

MAVERICKS 104, TIMBERWOLVES 99

Nagsalansan si Luka Doncic ng 25 points, 10 assists at 9 rebounds at na-split ng Dallas ang dalawang laro sa home-and-home set laban sa Minnesota.

Nagdagdag si Tim Hardaway Jr. ng 21 points makaraang ma-sideline siya dahil sa karamdaman sa 116-106 loss ng Dallas sa Minnesota kung saan napatalsik sina Doncic at coach Jason Kidd.

Umiskor si Spencer Dinwiddie ng 19 points at nagdagdag si Christian Wood ng 12 para sa Dallas, na natalo ng dalawang sunod.

Bumalik si Rudy Gobert para sa Timberwolves makaraang lumiban ng tatlong laro dahil sa sprained ankle, tumapos na may 9 points at 15 rebounds. Kumubra si Anthony Edwards ng 23 points at nagdagdag si Austin Rivers ng 21 sa kanyang ikalawang sunod na start para sa Minnesota, na nanalo ng tatlong sunod.