BINUKSAN na sa mga motorista nitong Disyembre 17 ang New Clark City/Bamban Toll Plaza upang magbigay ng mas mabilis at maginhawang ruta lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan.
Ang pansamantalang toll plaza ay matatagpuan sa pagitan ng Dolores Toll at Concepcion Toll Plaza at maaaring daanan ng mga motorista sa parehong direksiyon patungong hilaga at timog.
Ito ay magiging bukas hanggang Enero 15, 2025.
Paalala sa mga motorista na siguraduhing sapat ang load ng kanilang RFID accounts bago dumaan sa toll plaza dahil ito ay ganap na RFID-enabled at walang cash lanes.
Para sa Class 1 na mga sasakyan tulad ng mga kotse at SUV, ang toll fee ay nasa P95 hanggang P431.
Samantala, para sa Class 2 o mga bus, nasa pagitan ito ng P202 at P1,041.
Para naman sa Class 3 o mga heavy goods vehicles, ang bayad ay mula P286 hanggang P1,292.
Samantala, inanunsiyo ng NLEX Corporation ang pag-deploy ng mahigit 1,500 tauhan mula sa traffic, toll at systems personnel mula Disyembre 19, 2024 hanggang Enero 6, 2025 upang magbigay ng mas mataas na seguridad at tulong sa mga toll plaza sa kasagsagan ng holiday rush.
“Dagdag na tauhan sa traffic at toll operations, kabilang ang mga security at incident response teams ang idineploy upang magbigay ng agarang tulong at tiyakin ang kaligtasan ng publiko,” ayon sa NLEX. RUBEN FUENTES