BINUKSAN na sa motorista at riding public ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 561-meter four-lane na flyover sa Lalawigan ng Bulacan nitong Oktubre 10, bilang bahagi ng Arterial Road Bypass Project (ARBP) na naglalayong bawasan ang traffic congestion at masiguro ang kaligtasan sa daan.
Ang natapos na istruktura na tinatawag na Flyover No. 1 na dumadaan sa isang intersection sa Guiguinto malapit sa North Luzon Expressway (NLEX) Balagtas Exit ay bahagi ng bagong pinalawak na 12.5-kilometrong road section sa ilalim ng contract packages (CP) 1 at 2 ng Arterial Road Bypass Project (ARBP) Phase 3.
Pinangunahan ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan kasama sina DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain, Second Secretary Kinoshita Akito na kinatawan ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya, Japan International Cooperation Agency (JICA) Philippines Office Senior Representative Fukui Keisuke na nagrepresenta kay Chief Representative Sakamoto Takema, Bulacan 5th District Representative Ambrosio C. Cruz, Jr. at Guiguinto Mayor Agatha Paula A. Cruz na namuno sa seremonya ng ribbon cutting at unveiling ng project marker sa programang ginanap sa Flyover No. 1 sa Barangay Tiaong sa bayan ng Guiguinto.
Ang kaganapan ay dinaluhan din nina Undersecretary Carlos G. Mutuc; DPWH Unified Project Management Office (UPMO) Project Directors Benjamin A. Bautista at Soledad R. Florencio; Stakeholders Relations Service Director Randy R. Del Rosario; Region 3 Director Roseller A. Tolentino at Assistant Director Melquiades H. Sto Domingo at Bulacan District Engineers na sina Henry Alcantara, George DC. Santos at Edgardo C. Pingol.
Binanggit ni Secretary Bonoan sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng flyover at ang pagsasama nito sa karagdagang 11.65-kilometrong dalawang lane na kalsada, pitong maikling tulay, farm animal crossings at drainage facilities na lahat ay nasa ilalim ng CP 1 at 2 ng ARBP Phase 3.
Layon ng proyekto na mapadali at mas maayos ang daloy ng trapiko para sa libu-libong mga commuter at cargo vehicles araw-araw partikular na ang mga kumokonekta sa NLEX at Philippine-Japan Friendship Highway na kilala rin bilang Daang Maharlika.
Ayon kay Senior Undersecretary Sadain na siyang nangangasiwa sa mga flagship projects ng DPWH, ang pagtatapos ng dalawang bagong lanes sa ilalim ng Phase 3 para sa buong haba ng Arterial Road Bypass Project mula Barangay Borol, Balagtas hanggang Barangay Maasim, San Rafael ay makakatulong sa south-bound traffic habang ang dalawang lanes na natapos na sa ilalim ng Phases 1 at 2 ay magsisilbi sa north-bound traffic.
Ang ARBP Phase 3 na may kabuuang ₱5.26 bilyon ay naisakatuparan sa pamamagitan ng ₱4.25 bilyong utang mula sa gobyerno ng Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa ilalim ng Loan Agreement No. PH-P266.
Ang partnership na ito ay isang patunay ng patuloy na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pagsulong ng mga proyektong pang-impraestruktura para sa sustinable growth.
Kasama sa konstruksyon ng flyover ang pagbuo ng 283.10-metrong pangunahing tulay at mga approach spans na 138.66 metro at 139.38 metro.
Idinagdag din ang mga safety features tulad ng concrete median barrier at mga solar-powered LED streetlights.
Ang bagong tayong flyover at pinalawak na kalsada ay inaasahang makakayanan ang humigit-kumulang 15,000 sasakyan araw-araw na magbibigay sa mga motorista ng mas episyenteng ruta at magbabawas ng oras ng biyahe sa lalawigan.
Isinakatuparan ng DPWH UPMO – Roads Management Cluster 1 (Bilateral) sa pamumuno ni Project Director Benjamin A. Bautista kasama si Project Manager Nelson T. Graza ang konstruksyon ng CP 1 at 2 na isinagawa ng kontraktor na C.M. Pancho Construction, Inc. at binantayan ng joint venture ng Pyunghwa Engineering Consultants, Ltd., Kyong-Ho Engineering & Architects Co., Ltd. at Woodfield Consultants, Inc.
Madalas tawagin ng mga motorista bilang Plaridel Bypass Road na dumadaan sa mga bayan ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Bustos at San Rafael, ang ARBP ay nagsisilbing mahalagang koneksyon sa pagitan ng NLEX at Philippine-Japan Friendship Highway o Daang Maharlika papunta sa mga pangunahing lugar sa Bulacan.
RUBEN FUENTES