(Ni CHE SARIGUMBA)
KAPANA-PANABIK na lecture tungkol sa Bagong Pamamahayag o “New Journalism sa Panahon ng Fake News” ang ibinigay noong Abril 30 nina Philippines Graphic editor-in-chief Joel Pablo Salud at GMA7 Vice President Howie Severino sa “News Mio: Literary Journalism in the Age of Fake News” para sa selebrasyon ng National Literature Month 2019.
Ginanap ang lecture sa University of Santo Tomas Benavidez Auditorium mula sa pangunguna ng Center for Creative Writing and Literary Studies at sa tulong ng UST Department of Literature at UST Literary Society.
Dinaluhan ito ng mga pangunahing propesor at awtor nang naturang unibersidad tulad nina Cristina “Jing” Pantoja (Professor Emeritus), direktor ng UST Publishing House Ailil Alvarez, Head of the Department of Literature and the Humanities Joselito delos Reyes, at editor ng Philippine Daily Inquirer at CCWLS resident fellow Lito Zulueta at marami pang iba.
Dumating din sa event si Miss International 1964 at batikang manunulat na si Gemma Cruz Araneta at ang dating managing edi-tor ng The Manila Times na si Felipe Salvosa II.
Sa naturang lecture, inilahad ni broadcast journalist Howie Severino ang kanyang naging karanasan sa pamamahayag ng maraming taon.
Nakatulong dito ang kanyang pagsulat sa isang “journal” o “diary” nang mga nangyayari sa lipunan, gayundin sa personal ni-yang buhay.
“Maraming detalye ang naisulat ko sa aking journal mas lalo noong panahon ng martial law,” ani Howie Severino. “Nakatulong ito sa pag-alala ko sa mga nangyari sa ating bayan, at sa aking sariling buhay. Naging daan din ang aking pagsulat sa journal para matuto akong maging isang mamamahayag,” paglalahad ni Severino.
Sa Question & Answer portion, iginiit ni Howie Severino na maraming hinaharap na pagsubok ang isang mamamahayag. Bu-kod sa natural na mga pa nganib na maaaring kaharapin, nariyan din ang giyera o pag-cover sa conflict areas, delikado rin ang pag-cover ng mga kuwentong krimen at korapsiyon.
“Kasama ang panganib sa trabaho ng pamamahayag. Pero kailangan itong harapin. May training para rito,” ani Severino.
“Hindi naman ito bago sa amin. Oo, lahat tayo natatakot mamatay. Gayunpaman, hindi dapat maging hadlang ang takot sa tra-bahong dapat gampanan,” wika pa nito.
Ayon naman kay Joel Pablo Salud, punong patnugot ng Philippines Graphic, ang sister-publication ng PILIPINO Mirror, ma-laking tulong sa pamamahayag ang pagsulat ng New Journalism, isang estilo ng pagsulat na may kaugnayan o may pagkakatulad sa pagsulat ng isang nobela o maikling kuwento.
Ibinahagi rin ni Salud na kung ang “fake news” ay inilalathala para ma-confuse ang publiko, ang New Journalism ay para lu-minaw pang lalo ang isang kuwento, ang konteksto nito, at kung paano nangyari ang lahat.
“Ang New Journalism ay isang style ng pagkuwento ng tools ng pagsulat ng isang magandang nobela na ginagamit para mas maintindihan ng mga mambabasa ang tunay na pangyayari,” ani Salud. “Hindi lang nito sinasabi sa atin kung ano ang pangyayari, ipinakikita nito sa atin ang buong katotohanan na parang naroroon tayo sa lugar ng pinangyarihan.”
Sa pagpapatuloy ng Question & Answer portion, nilinaw ni Salud na hindi sensationalism ang paggamit ng New Journalism.
“Ang sensationalism ay uri ng pagkuwento na nakapananabik pero walang katotohanan ang impormasyon. Samantalang ang New Journalism naman ay pinalalawak pa ang katotohanan at binibigyang halaga ang konteksto gamit ang style sa pagsulat na nakapagpapaantig ng damdamin.”
Nilinaw rin ni Salud na hindi biro ang trabaho ng isang mamamahayag. May trauma itong kalakip, mga katotohanan at imahen na hindi na mabubura pa sa alaala.
“Isipin niyo na lang, pagkatapos ng isang araw sa field, pagkatapos niyo makakita ng isang ginahasang sanggol, pinatay na teenager, naaksidenteng driver ng motorsiklo, binaril na biktima ng Oplan Tokhang. Ang lahat ng ito ay iuuwi ninyo sa inyong ba-hay. Ang hirap bitbitin ng mga imaheng ito habang hinahalikan ninyo ang inyong asawa o niyayakap ang inyong mga anak. Ang mga kuwentong bitbit ng mamamahayag sa kanilang mga alaala ay hindi pangkaraniwang mga kuwento. Ito ay kuwentong hindi hango sa imahinasyon kundi sa tunay na buhay, galing sa madidilim at delikadong lugar ng lipunan. Maraming nagre-resign sa mga mamamahayag dahil na rin dito.”
Ngunit sa kabila ng kinahaharap ng mga mamamahayag, ayon kay Salud, kailangan magpatuloy at ‘di mapanghinaan ng loob ang isang tunay na mamamahayag. Malinaw ang kanyang sinumpaang adbokasiya: ang maging boses ng lipunan.
“As the Fourth Estate, importanteng malinaw sa atin ang ating tungkulin na maging boses ng mga naaapi. Ang mga kuwentong ating ilalathala ay dapat malinaw ang katotohanang dapat nitong ihayag. Dapat malinaw sa mambabasa kung ano ang dapat nilang paniwalaan,” pagtatapos pa ni Salud.
Naging matagumpay ang lecture na taon-taon ay ginaganap sa University of Santo Tomas.
Sa paghulma ng mga bagong mamamahayag, dapat unang matutunan na ang integridad ay hindi parang laro-laro lamang, kundi pundasyon ng isa sa pinakamahalagang propesyon sa ilalim ng demokrasya.
Comments are closed.