MAAARING masanay na ang mall-goers sa bagong shopping norm dahil matatagalan pa bago alisin ang physical distancing at iba pang safety protocols sa mga establisimiyento, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa virtual forum ng Department of Health (DOH) ay sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na hinihikayat ang mga mall na ipagpatuloy ang mahigpit na protocols na ito.
“We cannot afford to be lax. Probably in the next year, in the next two years, ito pa rin dapat ‘yung practice natin,” ani Castelo.
“Kung ano ‘yung protocols that they implement should be the same…..even in December, even in the next year, even probably the years after,” dagdag ni Castelo.
Tinalakay sa forum ang ‘new normal’ sa malls sa gitna ng pandemya, kabilang ang health protocols na itinakda para maprotektahan ang mga customer at worker sa sandaling magbalik sila sa operasyon sa ilalim ng pinaluwag na quarantine rules.
Sa ilalim ng DTI Memorandum Circular 20-21, ang malls, shopping centers, at establishments sa ilalim ng general community quarantine ay kinakailangang mahigpit na bantayan ang foot traffic at magpatupad ng safe distancing sa mga customer.
Sa ilalim ng panuntunan, lilimitahan ang mall entrances at ang bilang ng mga taong papapasukin upang mas mabantayan ang foot traffic.
Dadagdagan din ang police visibility, habang ang elevators ay ipagagamit lamang sa senior citizen, mga buntis at sa mga may kapansanan.
Comments are closed.