KINAKAILANGAN munang ipasa ng mga banyaga, kabilang ang mga Filipino na nagnanais magtrabaho sa Japan sa ilalim ng bago ni-tong visa category, ang technical test at Japanese language skills.
Sa inilabas na advisory, sinabi ng POEA na sa bagong visa category, na ipatutupad sa Abril 2019, papayagan ang banyagang manggagawa na may edad 18 pataas na mag-apply sa dalawang bagong residency status: Visa Type 1 at Visa Type 2.
Pinapayagan sa unang visa type ang mga banyagang manggagawa na magtrabaho sa middle at lower level skilled jobs, kabilang dito ang pagsasaka, nursing care, construction, at iba pa.
Maliban sa pagpasa sa Japanese language test at technical exam, kinakailangan din na may karanasan sa pagtatrabaho sa napiling posisyon. Balido ang bisa sa loob ng limang taon ngunit hindi papayagan ang may hawak nito na isama ang miyembro ng kaniyang pamilya sa Japan.
Kinakailangan naman sa ikalawang visa type ang higher skill level. Papayagan ang may hawak nito na dalhin ang miyembro ng kanyang pamilya, walang limit sa pagre-renew ng visa at maaari silang manirahan ng permanente sa Japan.
Tatanggap ang Japan ng banyagang manggagawa upang tugunan ang kakulangan nila sa manggagawa sa health care; building cleaning manage-ment; machine parts and tools; industrial machinery; electric, electronics and information; construction; shipbuilding and ship machinery, automotive repair and maintenance, aviation; accommodation; agriculture; fishery and aquaculture; food and beverages; at food service.
Pinapayuhan din ang mga aplikante na hintayin ang paglalabas ng patakaran para sa pagre-recruit at pagde-deploy ng manggagawang Filipino para sa dalawang visa status na ilalabas ng pamahalaang Japan at Filipinas.
Inaasahan na lalagdaan ng Foreign Ministry ng Japan ang bilateral labor agreement sa Filipinas sa unang bahagi ng taon. PAUL ROLDAN
Comments are closed.