NEW YEAR’S RESOLUTION

NEW YEAR’S RESOLUTION-2

(ni CT SARIGUMBA)

NAKASANAYAN na ng marami sa atin ang gumawa ng New Year’s resolution. Madali nga lang naman ang gumawa. Pero ang mahirap ay kung paano ito tutuparin o mapagtatagumpayan.

Hindi lahat ng mga gumagawa ng New Year’s resolution ay masasabi nating natutupad nila o nagagawa. Marami sa atin na sa simula lang nagkakaroon ng panahon gawin ang mga isinulat sa re­solution. Pero mayroon din namang matatag at masigasig na hanggang sa huli ay pinagsisikapang mapagtagumpayan ang kanilang New Year’s resolution. Kumbaga, hindi tumitigil hangga’t ‘di sila nagtatagumpay.

Maraming balakid upang mapagtagumpayan natin ang kung ano mang New Year’s resolution na isinulat natin.

Nariyan ang kahiligan natin sa pagkain, o kaya naman ang katamaran nating mag-ehersisyo.

Kaya naman, upang mapagtagumpayan ang gagawing resolution, narito ang ilan sa simpleng tips na maaaring subukan:

MAGING MAKATOTOHANAN SA GAGAWING RESOLUTION

Unang-una sa kailangan nating gawin upang matupad natin ang ating New Year’s resolution ay ang paggawa o pag-iisip ng makatotohanan. Kumbaga, ang mga isulat sa resolution ay ang mga bagay na posible mong magagawa.

Oo, marami sa atin ang  naglalagay ng “titigil na sa pagkain ng mga bawal na pagkain”.

Oo nga’t tama namang tumigil o huwag na nating kahiligan ang mga pagkaing masama sa katawan. Gayunpaman, hindi naman talaga ito maiiwasan lalo pa’t lahat ng bawal ay masarap. Ang mabuting gawin ay ang pag-iwas o pagbabawas, hindi ang itigil ang pagkain ng mga bawal.

GUMAWA NG KAPAKI-PAKINABANG NA PLANO

Mahalaga rin ang paggawa ng plano kung paano mo sisimulan o kung ano ang stra­tegy mo nang mapagtagumpayan ang iyong New Year’s resolution. Kailangang may mga hakbang kang naiisip gawin upang magawa mo ang lahat ng isinulat sa New Year’s resolution.

Mag-decide rin kung paano mo idi-deal ang mga temptation gaya na lang ng pagkain ng bawal o masama sa kalusugan o kung paano maeengganyong mag-ehersisyo.

Kung naiisip mo ang posibleng hirap na kahaharapin, sa ganitong paraan din ay makapag-iisip ka ng solusyon.  Halimbawa na nga riyan ang paghingi ng tulong sa kapamilya o mga kaibigan nang ma-achieve ang goal o ginawang resolution.

Planuhin din kung gaano katagal bago maisakatuparan ang resolution.

PAUNTI-UNTING SIMULAN ANG RESOLUTION

Hindi rin naman kailangang biglaan ang pagtupad o paggawa natin sa ating mga re­solution. Habang nagmamadali o minamadali nating magawa ang mga resolution na ating ginagawa, mas lalo lang tayong nawawala sa focus.

Kaya naman, unti-untiin lamang ang pagtupad sa resolution. Dahan-dahanin nang hindi mainis at magawa ito ng bukal sa puso. At kung step by step din nating ginagawa ang ating re­solution ay maiiwasan nating mag-fail.

Iwasan din ang paggawa sa resolution ng last minute.

HUWAG ULITIN ANG PAGKAKAMALI NOONG NAKARAANG TAON

Isa rin sa dapat na­ting tandaan ay ang mga pagkakamaling nagawa natin noong nagdaang taon kaya’t ‘di napagtagumpayan ang New Year’s resolution. At habang nalalaman mo kung ano ang mga pagkakamaling iyon, pagsikapang huwag nang maulit nang mag-succeed ngayong taong 2020.

I-TRACK ANG IYONG PROGRESS

Mas maeengganyo ka ring pagsikapang gawin ang resolution kung nata-track mo ang iyong progress.

Kaya naman, i-check ang mga nagawang resolution nang malaman mo kung ­ilang porsiyento na ang iyong nasusubukang gawin.

Ang maliliit nga namang goals ay mas madaling magawa at malampasan kapag nakikita mo ring nagagawa mo ito, mas lalo kang gaganahan na gawin pa ang iba pang nakasulat sa iyong re­solution.

Sa bawat resolution din na nagagawa ay mainam kung bibigyan ng reward ang sarili. Mag-stick din sa resolution nang mapagtagumpayan ito.

HUWAG SUMUKO

Sa mga simula ng buwan, ganadong-ganado pa tayong gawin ang ating New Year’s resolution.

Kumbaga, kahit na alam nating mahihirapan tayong magpapayat o gumising ng maaga o kahit na ang mag-ehersisyo, sinusubukan natin.

Maganda rin kasi sa pakiramdam iyong nagagawa mo ang iyong resolution.

Pero minsan, habang dumaraan ang mga araw o buwan ay kinatatamaran na na­ting gawin ang ilan pa sa mga nakalista sa ating resolution.

Kahit na sabihing kinatatamarang ipagpatuloy ang resolution, huwag sumuko.

Pagsikapan pa ring magawa ang lahat ng resolution. Huwag ding magpapadala sa mga pagsubok.

Halimbawa ay nahirapan kang gawin ang isa sa resolution mo, hindi ibig sabihin nito ay susuko ka. Subukan mo pa rin.

Gawin n’yo pa rin ang makakaya nang matupad ang inyong New Year’s resolution.

Sa simula naman talaga ay masaya ang gumawa ng New Year’s resolution pero habang tumatagal, hindi rin maiiwasang katamaran na natin itong gawin o tuparin.

Gayunpaman, kung isa ka sa taon-taong naglilista ng New Year’s resolution, pagsikapan itong magawa.

Kumbaga,  maging seryoso ka sa iyong New Year’s resolution. Lahat ng pagbabago ay dapat na nagsisimula sa ating sarili. Lahat din ng pagbabago ay kailangan ng aksiyon at ginagawa natin ng bukal sa ating loob.

(photos mula sa fireflyrecovery.com, startupnation.com, theconversation, nytimes.com)

Comments are closed.