NEWBORN SCREENING PARA SA MGA SANGGOL, HANDOG NG ROSARIO-LGU SA CAVITE

DAHIL ang hangad ng lokal na pamahalaan ng Rosario, Cavite sa pangunguna ni Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente at Vice-Mayor Bamm Gonzales para sa isang nanay na bagong pa­nganak ay magkaroon ng maayos at malusog na kalusugan ang kanyang sanggol, isinagawa ngayong araw, Oktubre 16, 2024 ang pagkakaroon ng libreng newborn screening caravan.

Umabot sa 30 sanggol ang nabigyan ng newborn screening.

Layunin nito na malaman ng maaga at maagapan kung may posibleng sakit ang bagong silang na sanggol.

Sa pribadong pagamutan, umaabot sa halagang 5,600 piso ang kabayaran sa newborn screening. Kaya naman, abot ang tuwa ng mga magulang na nabiyayaan ng proyekto na ito.

“Salamat sa pagkakataon na ito dahil na­bigyan ako ng libreng newborn screening. Mala­king tulong ito sa aming magasawa lalo na’t isang factory worker lamang ang aking asawa na kumikita lamang ng minimum wage”, kwento ni Mary Anne Manata Mendez, 28 taong gulang, residente ng Sitio Tramo, Brgy. Tejeros Convention.

“Very unforgetable ang panganganak ko dito sa aking pangalawang Baby Samantha Jean, Oct. 11, 2024 ganap na alas-2:05 ng madaling araw, sa loob ng ambulansiya ako inabot ng panganganak sa harap mismo ng Luneta Park sa Manila. Mabuti na lamang at kasama namin yung midwife sa Lying-in at matapang na nairaos ang aking panganganak. Maraming salamat kay ate midwife na hindi ko na nakuha ang pangalan”, dagdag pa ni Mary Anne.

Habang 20 buntis naman ang nabigyan ng free lecture seminar para sa kahalagahan at benipisyo ng pagbubuntis at pagpapanewborn screening.

Naging katuwang ng lokal na pamahalaan sa proyekto na ito ang ABS-CBN Lingkod Kapa­milya, Center for Health Development-Calabarzon, Provicial Health Office, at Department of Health.

SID SAMANIEGO