NEXT ADMIN BAHALA SA BRGY POLLS

NASA kamay na ng susunod na administrasyon ang desisyon kung ipagpapaliban ba o hindi ang pagdaraos ng barangay elections sa bansa ngayong taon.

Ang pahayag ay ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya matapos na mahingian ng komento hinggil sa panukalang ipagpaliban ang naturang halalan.

“The DILG will leave it to the wisdom of the incoming Congress and President if they will enact a law postponing the barangay and SK [Sangguniang Kabataan] election,” ayon naman kay Malaya.

“Otherwise it would be held as scheduled in December 2022,” aniya pa.

Ang susunod na barangay elections sa Pilipinas ay nakatakda sa Dis­yembre 2022 o may pitong buwan lamang matapos ang matagumpay na pagdaraos ng national and local elections.

Noong Nobyembre 2021, naghain ng isang panukala sa House of Representatives na humihiling na ipagliban ang 2022 barangay and Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 2024.

Sinabi naman ni House Majority Lea­der Ferdinand Martin Romualdez na aabot sa mahigit na P8 bilyon ang matitipid ng pamahalaan kung ipagpapaliban ang barangay elections. EVELYN GARCIA