NFA AMINADONG ‘INIIPIT’ ANG PAMAMAHAGI NG BIGAS

PARANG blockbuster na pelikula ang pila sa isang bigasan sa Pasig Public Market matapos muling magkaroon ng stock ng National Food Authority (NFA) rice, na ilang araw ring inabangan ng mga konsyumer.

“Sa wakas, nakapila na kami sa NFA kasi matagal ho ito bago nagkaroon eh,” ayon sa isang nakapila.

Nasa 200 sako ang dumating sa bigasan pero ayon sa mga tindero, mauubos ito sa loob lang ng ilang oras.

Pero masuwerte na raw sila dahil ang ibang retailer, halos tatlong linggo nang walang suplay ng NFA rice.

Pag-amin ng isang opisyal ng NFA sa National Capital Region, sinadya nilang itigil muna ang pag-supply sa ilang retailer na nagtitinda ng parehong commercial rice at NFA rice.

Binigyan daw nila ng prayoridad ang mga Institutionalize Bigasan Sa Palengke (IBSP) na purong NFA rice lang ang tinda.

“Hindi pa sigurado ‘yung importation [for new stock], ‘yung bidding namin [ongoing], nag-decide tayo na i-concentrate na lang muna roon sa IBSP,” ani NFA-NCR Director Carlito Go.

Hindi rin daw kaila­ngang damihan ang supply ng NFA rice sa palengke dahil may suggested retail price (SRP) na at “mura” naman umano ang commercial rice.

Ayon sa NFA, 50,000 bags ang natira sa kanilang warehouses para sa buong NCR at ang dini-distribute nila kada araw ay 10,000 bags.

Pero sabi ng NFA, estilo lang nila ito at hindi ibig sabihin ay kulang ang supply.

“Ngayon kasi ang ginagawa namin mga ‘just-in-time arrival’ eh. Hindi tayo lagay nang lagay sa bodega para ‘di tulad nu’ng una, puno lagi ang bode-ga so nasisira ang bigas,” ani Tomas Escarez, OIC-Administrator ng NFA.

Ayon pa sa NFA, parating na hanggang Sabado ang 280,000 bags ng bigas mula Vietnam.

Katatapos lang din ng bidding nitong linggo para sa 500,000 metric tons ng imported na bigas na inaasahang darating sa Disyembre o Enero 2019.

Comments are closed.