NFA BUMILI NG 11.5M SAKO NG PALAY SA LOCAL FARMERS

PALAY-10

INI-REPORT ng National Food Authority (NFA) kamakailan na nakabili na sila ng total na 11.52 milyong sako ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa buong bansa.

“As of November 20, we have already achieved 80% of our target. The main crop traditionally yields 70% of the total annual production. Normally, we buy more from farmers during the last quarter of the year. We are hopeful, our target will be attainable,” lahad ni NFA Administrator Judy Carol Dansal.

Pahayag pa ng  NFA administrator na ang ahensiya ay kompiyansa na maaabot nila ang target na 14.46 milyong sako bago matapos ang pag-aani ngayong taon.

Nakuha ang 11.52 milyong sako ng palay mula sa mga lokal  na magsasaka sa buong bansa, karamihan ay mula sa Central Luzon, Southern Tagalog at rehiyon ng Cagayan Valley.

Ang mga nakukuha ng NFA araw-araw ay  umaabot sa 125,754 sako bawat araw.

“We try to accommodate all farmers who sell their harvest. We have 642 buying stations which are strategically located across the country to accept their produce,” sabi ni Dansal.

Maliban sa stationary buying stations, nagpadala rin ang NFA ng mobile procurement  sa mga lugar tulad ng Ilocos Sur, Kalinga, Cagayan, Nueva Vizcaya, Batangas, Camarines Norte, Masbate, Sorsogon, Antique, Southern Leyte, Zamboanga City, Zamboanga del Sur, Pagadian, Ipil, Sibugay, Zamboanga del Norte, Dipolog, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Lanao del Norte, at Maguindanao para masakop ang mga magsasaka na nasa malalayong lugar.

Mula nang magsimula ang paggagapas noong Setyembre, sinabi ng NFA na maraming magsasaka ang nakinabang sa presyong suporta ng NFA na P19 bawat kilo ng palay.

Base sa  monitoring ng NFA, ang kasaluku­yang farmgate prices ng palay ay  nakatala sa P16.69 hanggang P16.71.

Pahayag ng NFA na bumibili sila ng palay base sa Equivalent Net Weight Factor (ENWF) tulad ng moisture content, purity at disco­loration at pinsala ng palay.

Nauna rito, bumibili ang NFA ng palay mula sa mga magsasaka sa ha­lagang P17 bawat kilo na may dagdag na insentibo kasama ang insentibo na P3 bawat kilo buffer stocking incentive (BSI) at dagdag pang insentibo na  P0.20 hanggang P0.50 delivery incentive; P0.20 drying incentive at P0.30 Cooperative Development Incentive Fund (CDIF) para sa kooperatiba o organisasyon ng mga magsasaka.

Noong nagdaang taon ang main crop procurement, sinabi ng ahensiya na nakabili sila ng total na 1.15 milyong sako mula Oktubre hanggang Disy-embre 2018.

Sa ngayon, nakabili na ang ahensiya ng total na 4.67 milyong sako mula Oktubre hanggang Nobyembre pa lamang.

Nagluwag ang NFA sa kanilang mga panga­ngailangan para makapagbenta pa ang mga magsasaka sa ahensiya.

Bawat isang magsasaka ay puwedeng magbenta ng  maximum na 200 sako sa kanilang unang  walk-in transaksiyon sa NFA.

Kailangang lamang nila na pirmahan ang Farmer’s Information Sheet (FIS) para sa records purposes.

Dahil sa mataas ng volume ng delivery ng palay sa mga warehouse ng NFA at buying stations, sinabi ng ahensiya na mas pinili nila na mag-arkila ng pribadong warehouses para sa ekstra pang stock.

“This is the case in Abra, Ilocos Sur, La Union, Eastern and Western Pangasinan,” aniya pa.

Comments are closed.