NFA CHIEF KASUHAN

Senador Kiko Pangilinan

ISANG mabuting hakbang ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya nang papalitan si National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino, ayon kay Senador Kiko Pangilinan.

Subalit, sinabi ni ­Pangilinan na dapat pa ring papanagutin ito ng gobyerno dahil sa naging kapabayaan na nagresulta sa kakulangan ng bigas sa merkado at pagtaas ng presyo nito.

Nanawagan si Pangi­linan sa pamahalaan na kasuhan si Aquino at huwag i-recycle o ilipat lamang sa ibang puwesto tulad ng ibang kalihim na sinibak ng Pangulo.

Aniya, dapat na mapa­nagot si Aquino sa naging kapabayaan nito na ang nagdurusa ngayon ay ang mga mahihirap na kababayan na hindi maka­bili ng murang bigas sa merkado, at kung mayroon man ay kakapiranggot na supply at limitado ang nabibiling bigas.

Nauna rito ay sinabi ni Pangulong Duterte na hiniling ni Aquino na alisin na siya sa puwesto.

Ang kahilingan ni Aquino na ma-relieve sa puwesto ay inanunsiyo ni Pangulong Duterte sa ginanap na tete-a-tete kasama si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa Malakanyang kamakalawa.

“Jason Aquino requested that he be relieved already. He said he is tired he could not cope up with the ‘game’ inside, which is an ordinary happening (there). He cannot be in agreement,” wika ng Pangulo.

Ayon pa kay Pangulong Duterte, mayroon na siyang napupusuang pumalit kay Aquino subalit hihintayin lamang niya itong magretiro.

Magugunita na mahigpit ang panawagan ng mga mambabatas na sibakin na si Aquino makaraang dumanas ng rice crisis ang ilang bahagi ng Mindanao. VICKY CERVALES

Comments are closed.