NFA FUND IPINAMBAYAD SA UTANG

Rep-Karlo-Ang-Probinsyano-Nograles

SINITA kahapon ni House Appropriations Committee Chair at Davao City Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles ang National Food Authority (NFA) dahil sa umano’y hindi awtorisadong paglipat ng pondo para sa programa sa pagbili ng palay upang ipambayad sa utang ng ahensiya na nagresulta sa mababang lebel ng buffer stocks, na naging sanhi ng kakulangan ng NFA rice sa mga pamilihan, gayundin ng pagtaas sa presyo ng bigas sa ilang bahagi ng bansa.

Napag-alaman ni Nograles na bukod sa Commission on Audit (COA) report na nag-‘red flag’ sa pagpapalihis ng alokasyon para sa buffer stock ng NFA noong 2017 ay inulit na naman umano ito ng ahensiya ngayong 2018.

“Ayon sa COA, ginamit ng NFA ang alokasyon para sa kanilang buffer stock upang bayaran ang kanilang pagkakautang noong 2017. Inamin naman ni NFA Assistant Administrator for Finance and Administration Yolanda Nieves na ginawa ulit ng ahensiya ang pagkakamaling ito ngayong taon,” pagbubunyag ng mambabatas mula Davao.

Sinabi ni Nograles na nakasaad sa COA report na sa P5.1 bilyong nakalaan sa NFA para sa subsidiya sa Price and Supply Stabilization of Rice ng ahensiya, nasa P.2.09 bilyon ang ipinambayad sa principal at interest ng pagkakautang nito sa Land Bank of the Philippines (P1.046 bilyon) at sa Development Bank of the Philippines (P1.044-B).

Ayon sa COA, ito ang dahilan kung bakit hindi naabot ng NFA ang palay procurement target nito kung saan 28,514 metriko toneladang palay lamang ang nabili ng ahensiya o nasa 18.58 porsiyento lamang ng kabuuang target nito na 153,483 MT ng palay noong 2017.

Ngayong taon, ayon kay Nograles, muling inilipat ng NFA ang P5-B mula sa kabuuang P7-B na nakalaan para sa Buffer Stocking Program. Sa halip na gamitin ng ahensiya ang kabuuang pondo para sa pamimili ng palay at pag-aangkat ng bigas, ginamit ang P5-B sa pagbabayad ng kanilang pagkakautang sa LBP at DBP.

“Ang ginawa nilang pag-divert ng pondo para ipambayad ng NFA sa kanilang mga pinagkaka­utangan ang sanhi ng pagkabigo nilang bumili ng palay mula sa ating mga magsasaka, na nagpanipis sa kanilang nakaimbak na bigas,” paliwanag ng mambabatas.

“Sa madaling salita, parang may inutos ka na pumunta sa palengke para bumili ng bigas para may pangsaing ka sa mga susunod na linggo. Imbes na bumili ng bigas, ipinambayad sa utang. Ngayon, naghahanap ng kanin ang mga anak mo, wala kang mapakain,” daing ni Nograles.

“Hindi naabot ng NFA ang kanilang target procurement noong 2017 at  limang araw lamang ang itinagal ng kanilang buffer stock imbes na 30 araw. At dahil inulit na naman nila ito ngayong 2018, ang kasalukuyang buffer stocking ng NFA ay tatagal lamang ng dalawang araw, imbes na 30 days. Kaya sobrang kulang ang NFA rice sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya. Kaya napakataas ng presyo ng bigas. Kaya sobrang kawawa ang mga kababayan natin, lalo na ang mga probinsiyano,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang NFA ay naatasang magmantina ng buffer stock para sa kahit na 15 araw, na kung susumahin ay nasa 400,000 MT ng bigas sa kasagsagan ng tag-ani. Mula Hunyo hanggang ­Setyembre, kung kailan mababa ang ani ng palay, dapat na nasa 800,000 MT ng bigas ang nakaimbak sa NFA o katumbas ng 30 araw ng buffer stock ng bigas.

Mariing tinuran ni Nograles na hindi niya maintindihan kung bakit mas pinili ng NFA na ipambayad ng utang ang malaking bahagi ng nakalaang pondo para sa buffer stocking lalo na’t batid ng pamunuan ng ahensiya na sobrang nipis na ang buffer stocks nito.

“Noong Hunyo 2016, ang buffer stock ng NFA ay nasa isang milyong metriko tonelada; noong Hunyo 2017 ang buffer stock nila ay biglang bumaba sa 204,200 metriko tonelada na lamang; ngayong taon, noong Hunyo, 2,100 MT na lang. Sa harap ng ganitong mga numero, dapat agaran ang pagkilos ng NFA lalo na sa pagbili ng palay sa mga magsasaka, na hindi nila ginawa.”

Ayon pa kay Nograles, naglaan ng pondo ang Kongreso para sa NFA upang ipambili ng buffer stocks at tiyaking walang mangyaya­ring kakulangan sa suplay ng bigas kahit pa lean months. Imbes na gawin ito, dinispalko ng NFA ang pondo at ginamit na pambayad sag kanilang kautangan; ang mas masama pa nito, dalawang beses na ginawa ito ng pamunuan ng NFA na walang pagsang-ayon o pagpayag ang NFA Council.

“Malinaw na inilaan ang pampublikong pondo sa ilalim ng GAA para sa food security program o sa buffer stocking program ng gobyerno upang patatagin ang presyuhan ng bigas. Ngunit imbes na gawin ito, ginamit ng NFA ang bahagi ng pondong ito para bayaran ang kanilang pagkakautang. Tahasan itong paglabag sa layunin ng pondo. Ang pag­lihis o paglipat ng pampublikong pondo para sa ibang pagkakagastahang hindi nakasaad sa GAA ay technical malversation. Sa kasong ito, double technical malversation,” giit ng kongresista mula Mindanao.

Dagdag pa niya,  dahil sa natuklasan niyang ito, muling ipatatawag sa Kongreso ang NFA para sa isa pang budget hearing upang pagpaliwanagin ang pamunuan nito kung bakit ipinambayad nila ng utang ang pondong dapat na ipinambili ng palay sa mga magsasaka upang pang-imbak sa kanilang buffer stocks.

Comments are closed.