NABIGO ang National Food Authority (NFA) na makamit ang palay procurement target nito para sa buwan ng Pebrero.
Sa kanilang February 2024 accomplishment report, sinabi ng NFA na bumili ito ng 12,378 bags ng palay, o katumbas ng 618.9 metric tons (MT) ng butil, sa naturang buwan.
Ito ay 2.28% lamang ng target na 542,800 bags ng NFA o 27,140 MT ng palay para sa Pebrero.
“Decrease in procurement is due to lesser palay harvest, since February is not a harvest season hence the procured palay is just a spill over of the last cropping season,” sabi ng NFA sa kanilang report.
“Nevertheless, the National Food Authority shall continue to provide the best service to farmers and farmers organizations, to entice them to sell their produce to NFA,” ayon pa sa ahensiya.
Sinabi ni NFA officer-in-charge Administrator Larry Lacson na nahihirapan ang ahensiya sa pagbili ng palay dahil tinatalo sila sa bidding ng mga trader.
Ani Lacson, base sa monitoring ng NFA, binibili ng mga trader ang palay sa halagang P25 hanggang P27 kada kilo habang binibili lamang nila ang palay sa maximum na P23 kada kilo.
Nakatakdang magpulong ang NFA Council sa April 11 upang talakayin ang posibilidad na i-adjust ang buying price nito upang maging kumpetitibo ito para sa local farmers.
Samantala, sinabi ni Lacson na may sapat na imbak ng bigas ang NFA.
“May stock na si NFA. Dinadagdagan na lang natin ng mga binibili natin ngayon. Sagana po ang ani, mas mataas, mas tataas pa nga from last year. Wala pong shortage, wala po tayong dapat ika bahala,” ani Lacson.