IKINATUWA ni House Appropriations Committee Chairperson Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles ang desisyon ng National Food Authority (NFA) Council para sa importasyon ng 132,000 metriko toneladang bigas upang pababain ang presyo ng bigas, ngunit idinaing ang kawalan ng paunang aksiyon ng ahensiya upang pigilan ang sobra-sobrang pagtaas ng presyo ng bigas.
“May kasabihan nga, an ounce of prevention is worth a pound of cure. Dapat naging mas pro-active ang NFA Council at ang mga tagapamahala ng ahensiya. Dapat nakita na nila ang problemang ito noong nagsimulang numipis ang nakaimbak na stock nila,” ayon sa mambabatas mula Davao.
“Nasa NFA website naman ang mga impormasyon, kahit hindi sila regular na nagpupulong, madaling ma-monitor ang stock nila gamit ang kanilang mga smartphone.”
Ayon kay Nograles, makikita sa nakasaad na datos na ang galaw sa stock ng bigas ng NFA mula sa simula ng taon hanggang Hunyo ay nakababahala at nagbunsod na sana ng agarang aksiyon.
Ang rekord ng NFA Rice Stock Inventory na nakapaskil sa kanilang website ay nagpapakita na noong Enero 2018, ang NFA ay may 107,200 metriko toneladang imbak na bigas, datos na bumagsak sa 60,300 MT noong Pebrero, 43,500 MT noong Marso, 12,200 MT noong Abril, 3, 900 MT noong Mayo, hanggang noong Hunyo ay nasa 2,100 MT na lamang.
Ang mga numerong ito ay mas mababa sa 15-day buffer stock––na ang katumbas ay 400,000 metriko tonelada––na nakaatas na mantinahin ng NFA sa loob ng mga buwang mataas ang suplay.
“Pagpasok ng lean months, na mula Hunyo hanggang Setyembre, dalawang libong tonelada na lang ang stock nila. Ano ang ginawa nila? Isa lamang ito sa mga katanungang nais nating sagutin ng NFA sa kanilang pagharap sa Appropriations Committee sa Lunes,” pahayag pa ng mambabatas mula Mindanao.
Nauna nang inanunsiyo ni Nograles na muling ipatatawag ng Kamara ang NFA upang pagpaliwanagin sa nabunyag na paglilipat ng bilyon-bilyong pisong pondo mula sa Buffer Stocking Program (BSP) ng ahensiya papunta sa pagbabayad ng utang sa Land Bank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines.
Ang nasabing pondo ay inilaan para sa ahensiya ng Kongreso para pambili ng buffer stocks upang tiyaking hindi magkukulang ang suplay ng bigas sa bansa, lalo na sa panahong mababa ang ani ng palay.
Binigyang-diin ni Nograles na inanyayahan din ang NFA sa Kamara upang mas maintindihan ng kapulungan kung paano humantong sa ganitong sitwasyon ang kalagayan ng suplay ng bigas sa bansa.
“Ang pangunahing layunin natin dito ay ang iiwas ang ating mga kababayan – ang mga kapuwa ko probinsiyano – mula sa krisis sa bigas sa hinaharap. Binibigyan naman ng pondo ang ahensiya, so, bakit hindi nila magampanan ang tungkulin nila? Ito ang nais naming malaman, ito ang nais naming matuklasan sa Lunes,” pagwawakas ni Nograles.
Comments are closed.