NFA NAMIMILI NG PALAY GAMIT ANG MOBILE PROCUREMENT

BULACAN- NAMIMILI na ang National Food Authority (NFA) ng palay ng mga magsasaka sa kanilang lugar sa pamamagitan ng mobile procurement program nito.

Ipinaliwanag sa PILIPINO MIRROR ni Sheryl Gamboa, NFA manager sa Bulacan na sa pamamagitan ng kanilang mobile procurement ay pinupuntahan sa lugar ng mga magsasaka ang kanilang palay para ma-classify, timbangin at bayaran.

Sinabi pa ni Gamboa, sa kasalukuyan ay mayroong isang truck na may kapasidad na maglulan ng 300 sako ng palay na ginagamit sa pag-ikot sa pamimili ng palay ng mga magsasaka.

Aniya, hanggat maaari ay tuyong palay ang prayoridad na bilhin sa mga magsasaka dahil limitado lamang ang kanilang drying capacities sa Bulacan.

Sa kasalukuyan,ani Gamboa ay mayroon lamang dalawang palay mechanical dryers ang nagagamit ng NFA na matatagpuan sa kanilang Sta. Rita warehouse sa bayan ng San Miguel.

Idinagdag pa nito na mahigit sa 40,000 sako ng palay ang kanilang napamili na sa pagtatapos ng buwan ng Setyembre.

Inaasahan nito, dadami pa ang kanilang mapapamiling palay sa pagpasok ng kasagsagan ng anihan ngayong cropping season ng palay.

Samantala, nananawagan sa gobyerno si Simeon Sioson, isang farmer leader sa Gitnang Luzon at isang chairman ng isang farmer’s cooperative sa bayan ng San Miguel, Bulacan na kung maaari ay madagdagan pa ang mechanical palay driers ng NFA sa lalawigan.

Ipinaliwanag ni Sioson na karamihan ng mga magsasaka at farmers cooperative sa Bulacan ay may gustong magpatuyo ng palay sa mechanical driers ng NFA kesa yung mga pribadong driers dahil hamak mas mura and drying cost ng NFA kaysa sa pribadong driers.

Sabi pa ni Sioson, sa pagpasok ng kasagsagan ng anihan ngayong tag-ulan, malaking bagay ang mechanical palay driers para agad na mapatuyo ang mga bagong ani ng palay para hindi mabulok o masira ang kalidad. ANDY DE GUZMAN

Comments are closed.