(NFA nanawagan sa DBM) P9-B PONDO PAMBILI NG PALAY ILABAS NA

HINILING ng National Food Authority (NFA) ang agarang pagpapalabas ng P9 bilyong pondo para sa pagbili ng palay ngayong taon.

“The NFA asked the Department of Budget and Management to release the funds for palay procurement so we could support farmers and stabilize prices during the harvest this wet season,” wika ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na ang pagpapalabas ng P9 bilyon ay magpapataas sa pondo ng rice buffer-stocking ng ahensiya sa P11 billion at makatutulong upang makamit ang procurement target nito na mula 6.4 million hanggang 8.7 million bags ng palay bago matapos ang taon.

Ang NFA ay gumagamit ng tirang budget na P8.7 billion mula noong 2023 para bumili ng palay sa mga magsasaka.

Sa first half ng 2024, ang ahensiya ay gumastos ng P5.3 billion para sa pagbili ng 3.5 million bags ng palay.

Tiniyak ni Tiu Laurel, na siyang chairman ng NFA Council, sa mga magsasaka na bibili ang ahensiya ng palay sa P21-P23 per kilo.

Noong Hunyo ay itinaas ng NFA Council ang ceiling price para sa palay procurement nito sa P30 per kilo mula P23, habang ang floor price ay ginawang P17 mula P16 kada kilo.

Ayon kay Tiu Laurel, sa pagpapanatili sa buying price sa minimum na P21 kada kilo, matutugunan nito ang mga ulat na ang mga trader ay bumibili ng palay sa Nueva Ecija sa P16-P17 kada kilo.

Hanggang September 25, 2024, ang NFA ay nakabili na ng kabuuang 4 million bags ng palay.