NFA, PCUP NAGHATID NG MURANG BIGAS SA 100K PAMILYA

BIGAS

UMAABOT sa 100,000 mahihirap na pamilya ang natulungan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at National Food Authority (NFA) na magkaroon ng abot-kayang bigas sa mga resettlement sites.

Halos kalahati ng pres­yo ng bigas sa merkado ang inihatid ng mga naturang ahensya sa mga relocation sites sa Luzon at Na-tional Capital Region (NCR). Nasa P27.00 lamang ang bigas kada kilo kumpara sa P38.00 – P50.00 kada kilo ng commercial rice.

Ayon kay Rhinelan Lachica, Head ng Resettlement Unit ng PCUP, 2,000 katao ang target na benepisyaryo ng programa na “Tagpuan” at kada pamilya ay nakabibili ng tiglilimang kilong bigas sa halagang P135.00 lamang.

Nitong Hulyo 14, kasabay ng serbisyo Caravan ng PCUP, dinumog ng mga residente ng Southville 9, Baras, Rizal ang nasa-bing programa at humigit kumulang 2,000 pamilya ang nakinabang. Nasa 10,000 kilong bigas ang tinatayang naipamahagi sa natur-ang Caravan.

Simula noong nailunsad ang Tagpuan noong Oktubre 2018, halos 50 beses nang bumababa ang naturang programa sa iba’t ibang relocation site sa bansa at ang ilan ay nabalikan pa.

Ayon naman kay PCUP Chairperson/CEO Alvin Feliciano, “Isa rin ito sa mga naiisip na pa­raan ng ating ahensya na sa tulong ng NFA makatutugon tayo sa Zero Hunger ng ating Pangulong Duterte sa urban poor areas.”

Sa kasalukuyan, ang Tagpuan at tatlong prio­rity programs ng PCUP ay kabilang sa mga hakbang ng PCUP na naglalayong maibsan ang kasalatan sa pagkain ng mga mahihirap bilang miyembro ng binuong Inter-agency Task Force Against Hunger. BENEDICT ABAYGAR, JR.