MABIBILI na sa mga palengke ng Eastern Visayas ang mga mas murang bigas simula Lunes.
Ayon kay National Food Authority (NFA) Eastern Visayas Regional Manager John Robert Hermano, dumating ang barko sa daungan ng Tacloban noong Huwebes ng gabi at naibaba ang 79,000 na sakong bigas Biyernes ng hapon.
Ang naantala naman sa Bacolod port na foreign vessel ay dumating na rin sa Tacloban. Ito ay may kargang 140,000 sakong bigas mula sa Thailand. Naantala ang vessel nang ilang linggo dahil sa masamang panahon.
Ang lungsod ng Tacloban din ang magiging prayoridad sa pamamahagi ng mga bigas dahil malapit ito kung saan dumaong ang mga foreign vessel.
Susunod naman itong makararating sa lungsod ng Ormoc sa Leyte at sa lungsod ng Catbalogan sa Samar.
“Having subsidized rice back in the market will bring the price of staple food in the market lower since the difference is more than PHP10 per kilogram,” paliwanag ni Hermano.
Ang mga bagong suplay na ito ng bigas ay magkakahalaga ng P32 kada kilo at P27 kada kilo sa mga mahihirap na lugar.
“The NFA will deploy teams to the market to prevent rice hoarding, mixing of NFA and commercial rice, and overpricing,” dagdag pa ni Hermano.
Noong mga nakaraang buwan ng Mayo at Hunyo pa sana makatatanggap ng rice imports ang ating bansa ngunit hindi natuloy ang bidding noong huling linggo ng Abril.
Matatandaan ding itinigil ang pagbebenta ng NFA rice sa rehiyon dahil sa pagbaba ng suplay.
Kokompletuhin ang 480,000 na sakong bigas mula sa Thailand ngayong Agosto. Ito ay para sa suplay sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre. Sa 480,000 na ito 124,000 ang sa Leyte, 50,000 ang sa Southern Leyte, 30,000 ang mapupunta sa Biliran, 80,000 ang sa Samar, 106,000 sa Northern Samar at 90,000 ang para sa Eastern Samar. LYKA NAVARROSA