NFA STORES SA MGA PALENGKE MALABO

HINDI kasama sa nais maamyendahan sa Rice Tarrification Law ang pagbabalik ng mga tindahan ng National Food Authority (NFA) sa mga palengke para sa mga murang bigas.

Nilinaw ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na hindi ito kabilang sa mga napag-usapan ukol sa mga probisyon ng batas na nais nilang baguhin.

Isinusulong na pag-amyenda sa batas ay ang paglilinaw sa regulatory function ng NFA, pagsunod sa sanitary at phytosanitary permit ng mga lokal at imported na bigas, gayundin ang rice stabilization volume augmentation.

Sinabi pa ni De Mesa na manghihimasok lamang ang gobyerno kapag sobrang taas na ng presyo ng mga bigas sa mga palengke at ito ay sa pamamagitan ng Kadiwa Stores at mga kooperatiba at sa tulong na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang ilalabas na mga bigas dito ay magmumula sa buffer stock ng NFA at kapag kapos pa rin ang supply ay maaring maglabas ang NFA ng imported rice o mag-angkat ng bigas. MLUISA MACABUHAY-GARCIA