MAGIGING sentro ng atensiyon ang golf sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night, dalawang linggo mula ngayon sa Manila Hotel.
Ang National Golf Association of the Philippines (NGAP) ay nakatakdang parangalan bilang National Sports Association (NSA) of the Year, habang si long-time sports patron Enrique Razon, Jr. ay gagawaran ng Executive of the Year Award ng pinakamatandang media organization sa Feb. 26 gala na handog ng MILO, Cignal TV at ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang NGAP ang nagprodyus ng kalahati sa apat na gold medals na naiuwi ng bansa mula sa 18th Asian Games sa Indonesia na kaloob ni Yuka Saso sa women’s individual at ng women’s team kung naki-pagpartner si Saso kina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Nakopo rin ni Pagdanganan ang bronze sa women’s individual competition, para sa 1-3 finish para sa Filipinas, na itinanghal na overall champion sa sport nang maungusan ang Japan.
Ito rin ang unang pagkakataon sa loob ng 32 taon na nagwagi ng gold ang golf sa Asiad o magmula nang pagharian ni Ramon Brobio ang men’s individual meet sa 1986 edition sa Seoul, South Korea.
Dahil sa nasikwat na gold ay napili si Saso at ang women’s team bilang co-winner ng coveted PSA Athlete of the Year Award, kasama sina weightlifter Hidilyn Diaz at skateboarder Margielyn Didal sa event na handog ng Philippine Basketball Association, Mighty Sports, ICTSI, SM Prime Holdings, Tapa King, Rain or Shine, NorthPort at Chooks To Go.
Samantala, ang 58-anyos na si Razon ay kilalang masugid na golfer at major supporter ng sport sa bansa sa pamamagitan ng Philippine Golf Tour, na itinataguyod ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) kung saan siya ang chairman at chief executive officer.
Isang kilalang philanthropist, si Razon ay tumutulong sa pag-unlad ng amateur golf sa bansa sa pamamagitan ng ICTSI-The Country Club Program at sumusuporta rin sa Canlubang golf team.
Minsan din siyang nagmay-ari ng ICTSI basketball team sa nabuwag na Philippine Basketball League (PBL), karamihan sa players nito ay mula sa De La Salle, ang kanyang alma mater kung saan siya nagtapos ng degree sa Bachelor of Science in Business Administration.
Si Razon din ang chief backer ng La Salle sports, na ang sports complex sa Taft Ave. ay ipinangalan sa kanyang ama (Enrique M. Razon Sports Complex).
Makakahanay na niya ngayon ang mga iginagalang na sportsmen at businessmen tulad nina Ramon S. Ang, Manny V. Pangilinan, Wilfred Uytengsu, Hans Sy, Dan Palami, Ricky Vargas, Judes Echauz at Chito Salud na minsang pinarangalan bilang Executive of the Year ng Philippine sportswriting fraternity.
Si Razon at ang NGAP ay kabilang sa kabuuang 75 awardees na nasa 2018 PSA honor roll list.