Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
6:30 p.m. – San Miguel Beer
vs Alaska (Game 4)
MAKARAANG mabigong walisin ang best-of-five semifinals series, muling magtatangka ang defending Commissioner’s Cup champion San Miguel Beer na umusad sa finals laban sa Alaska sa Game 4 ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang laro sa alas-6:30 ng gabi kung saan sisikapin ng Beermen na tapusin na ang serye at maagang makapagpahinga, at hintayin na lamang ang magwawagi sa Barangay Ginebra at elimination topnotcher Rain or Shine.
Nabigo ang SMB na ma-sweep ang serye matapos matalo sa Game 3, 104-125, sa Ynares Center sa Antipolo, Rizal kamakalawa.
Inaasahang muling magiging kapana-panabik ang laro dahil determinado si SMB coach Leo Austria na kunin ang panalo at sumampa sa finals, habang nais ni Alaska coach Alex Compton na manatili sa kontensiyon at maipuwersa ang ‘do-or-die’ match.
Walang ibang iniisip si coach Austria kundi ang ipanalo ang laro dahil sa sandaling masilat ulit sila ay malalagay sa alanganin ang title retention campaign ng Beermen.
Sa panalo ay tumaas ang morale at uminit ang fighting spirit ng Aces at tiyak na sasamantalahin ni Compton ang pagkakataon upang maitabla ang serye at humirit ng ‘rubber match’.
“The win bolstered the morale of my players. Hopefully, they would play the same intensity and determination in Game 4,” sabi ni Compton.
Ang pagkatalo ng SMB ay nagsilbing aral kay Austria na hindi dapat magkumpiyansa ang kanyang tropa dahil malakas ang Alaska at may kakayahang makasilat.
“The loss served as hard and painful lesson to me and my players. We have to play with much greater intensity, patience and determination to win,” sabi ni Austria.
“We cannot afford to lose this game. We have to win at all cost because if we lose, it will put us in a precarious situation. Alaska did it to us twice in Dumaguete City and in Antipolo. I don’t want it to happen again,” dagdag pa niya.
Muling magsusukatan ng lakas sina imports Renaldo Balkman at Diamon Simpson sa loob ng 48 minutong paglalaro.
Makakatuwang ni Balkman sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos, Chris Ross, Matt Ganuelas-Rosser, June Mar Fajardo at dating GlobalPort enforcer Kelly Nabong.
Nakahanda namang umalalay kay Simpson sina Vic Manuel, Sonny Thoss, JV Casio, Nonoy Baclao at Simon Enciso, Chris Banchero at rookie Jeron Teng. CLYDE MARIANO
Comments are closed.