NGAYON NA SA GINEBRA? Korona target ng Gin Kings

Ginebra

Laro ngayon:

(Mall of Asian Arena)

7 p.m. – Ginebra vs Meralco

Game 5, Kings abante sa 3-1

TAPUSIN na kaya ng Barangay Ginebra ang best-of-seven title series at angkinin ang PBA Governors’ Cup crown o magawa ni Meralco coach Norman Black na pataasin ang boltahe ng Bolts at palawigin ang serye?

Masasagot ang katanungang ito sa Game 5 ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Desperado at gagawin ni Black ang lahat para mapigilan si Cone na isama ang Governors’ Cup sa mahabang listahan niya ng titulo.

Tiyak namang sasamantalahin ni Cone ang momemtun upang tapusin na ang serye at huwag bigyan ng pagkakataon ang Bolts na makabalik pa.

Sakaling manalo ang Meralco, ang Game 6 ay gagawin sa Philippine Arena at kung aabot ang serye sa Game 7, muli itong lalaruin sa nasabing arena sa Bocaue, Bulacan.

“We will exploit the momentum to full use. We want to end the series right away and enjoy our vacation,” sabi ni Cone.

Puntirya ni Cone ang ika-22 titulo mula pa noong 1991, kasama ang dalawang grand slam noong 1996 at 2014. Labing isa sa kanyang korona ay sa Alaska kung saan siya nagsimula bilang coach sa PBA.

Muling pamumunuan ni Justine Brownlee ang opensiba ng Kings, katuwang sina L.A. Tenorio, Scottie Thompsn, Stanly Pringle, Aljon Mariano at twin towers Japeth Aguilar at Greg Slaughter laban sa tambalan nina Raymond Almazan at Bryan Faundo.

Makikipagsanib-puwersa naman si newly-crowned best import Allen Durham kina Baser Amer, Chris Newsome, Jeff Hodge, Jose Antonio Caram, John Pinto at Kier John Quinto upang pigilan ang Kings sa pagsikwat ng korona.

Dinomina ng Barangay Ginebra ang Game 4 kung saan lumamang ito sa 61-42 sa tres ni Tenorio at sa 90-83 sa medium shot ni Japeth Aguilar tungo sa pagposte sa ikatlong panalo at lumapit sa titulo. CLYDE MARIANO

Comments are closed.