APRUBADO kay Presidente Ferdinand Marcos, Jr. ang 90-day extension ng SIM card registration ayon sa Malacanang.
Ang anunsiyo ay kasunod ng ng sector meeting ng Pangulo sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa iba pang opisyal ng pamahalaan.
Sa extension, sinabi ng DICT na tinatarget nito ngayon na irehistro ang 70% ng active SIMs.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, ang registration process ay nakatakdang magtapos ngayong Miyerkoles, April 26, ngunit iginiit ng mobile operators na kailangang palawigin ang deadline sa gitna ng mababang bilang ng mga nagparehistro.
Base sa datos mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), hanggang April 23, ang telecommunications firms ay nakapagtala ng 82.84 million SIM registrations, o 49.31% ng total users.
Sa ilalim ng batas, ang DICT ay may kapangyarihang palawigin ang SIM registration ng hanggang 120 araw.